ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 05, 2021
Magkakaroon ng bagong kampeon ngayong taon sa NBA at winakasan ng Phoenix Suns ang paghahari ng Los Angeles Lakers, 113-100, sa Game Six ng kanilang seryeng best of seven kahapon sa Staples Center. Haharapin ng Suns ang Denver Nuggets na pumasok din sa Western Conference semifinals matapos ang 126-115 tagumpay sa kanilang Game Six kontra Portland Trail Blazers.
Lamang ng buong laro ang Suns at sobrang talas ni All-Star Devin Booker sa first quarter kung saan siya mag-isang bumuhos ng 22 puntos para sa 36-14 na lamang. Naglaro para sa Lakers si Anthony Davis subalit hindi niya nakaya at umalis na may 6:35 sa first quarter bunga ng pilay sa hita na nangyari noong Game Four.
Umabot ng 29 ang lamang ng Phoenix sa second quarter, 48-19, subalit hindi basta sumuko ang Lakers. Huling nagbanta ang mga kampeon matapos ang tres ni Dennis Schroder, 93-104, pero sinagot ito agad ng mga puntos nina Booker at Mikal Bridges upang masigurado ang panalo.
Namuno si Booker na may 47 puntos at 11 rebound at sinundan ni Jae Crowder na may 18 puntos kahit pinalabas siya sa huling 30 segundo dahil sa technical foul. Kahit walong puntos lang, malaki ang 12 assist ni beterano Chris Paul.
Kinapos ang 29 puntos ni LeBron James at nalasap niya ang unang talo sa serye ng kanyang kinabibilangang koponan sa Round One ng playoffs. Sumunod sa kanya si Schroder na may 20 at Kentavious Caldwell-Pope na may 19.
Bumanat ng todo ang Nuggets sa huling walong minuto kung saan ibinura nila ang 106-102 lamang ng Blazers sa pamamagitan ng magkasunod na tres nina Nikola Jokic at Monte Morris, 108-106. Mula roon ay gumawa ng tig-limang puntos ang dalawa at tinuldukan ng tres ni Aaron Gordon para sa 124-115 na lamang at 52 segundo sa orasan.
Determinado ang Portland na maglaro ng Game Seven at lumayo sa third quarter, 82-68, subalit kinapos sila kung kailan talagang kailangan. Nagtapos si Jokic na may 36 puntos at sinundan ni Michael Porter Jr. na may 26 habang dumagdag si Morris ng 22 bilang reserba.
Comments