ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 09, 2021
Tinusta ng Phoenix Suns ang Denver Nuggets sa second half upang maukit ang 122-105 panalo sa pagbubukas ng kanilang seryeng best of seven sa Western Conference semifinals ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Phoenix Suns Arena. Walang panahon para magpahinga at ang Game Two ay nakatakda sa Huwebes sa Phoenix muli.
Naitayo ng Denver ang kanilang pinakamalaking lamang sa third quarter, 70-60, ngunit hindi nasindak ang Phoenix sa kanilang mga bisita at iyan ang hudyat para kay Mikal Bridges na mamuno sa rally ng Suns sa tulong nina Chris Paul at Devin Booker. Naagaw ng Suns ang lamang matapos ang three-point play ni sentro DeAndre Ayton, 74-72, at hindi na sila lumingon pa hanggang makalayo ng 20 papasok sa huling dalawang minuto, 120-100.
Apat na Suns ang nagtala ng 20 o higit pa sa pangunguna ni Bridges na may 23, Paul at Booker na parehong may 21 at Ayton na may 20. Sa panig ng Nuggets, gumawa ng 22 si Nikola Jokic at sinundan ni Aaron Gordon na may 18.
Sa Eastern Conference semifinals, walang awang dinurog ng Brooklyn Nets ang bisitang Milwaukee Bucks, 125-86, upang itayo ang 2-0 lamang sa kanilang seryeng best of seven. Kahit hindi naglaro ang pilay na si James Harden, inilabas ng Nets ang lahat ng kanilang sandata at hindi pinaporma ang Bucks kung saan umabot ng 49 ang pagitan sa 4th quarter, 123-74, matapos ang 18 sunod-sunod na puntos ng Brooklyn.
Nagtala ng kanilang mga inaasahang numero sina Kevin Durant na 32 puntos at Kyrie Irving na 22 puntos subalit malaking bagay ang ambag nina Joe Harris at Bruce Brown na parehong may tig-13 puntos. Nalimitahan si MVP Giannis Antetokounmpo sa 18 puntos at 11 rebounds habang may 17 puntos si Knris Middleton.
Comments