ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021
Limampung bahay ang tinupok ng apoy sa Barangay Tanyag, Taguig City kaninang madaling-araw, kung saan mahigit 100 pamilya ang apektado.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa bahay ng pamilya Briones pasado ala-una ng madaling-araw.
Mabilis 'yung kumalat sa mga katabing-bahay kaya kaagad ding itinaas sa ikatlong alarma ang sunog.
Salaysay pa ni barangay official Ricardo Bala Nueco, naging pahirapan ang pag-apula ng mga bumbero sa apoy dahil nasabay iyon sa water interruption kaya kinailangan pa nilang mag-request sa Maynilad upang pabuksan ang water supply.
Idineklarang fire under control pasado alas-4 kaninang madaling-araw at tinatayang P500,000 ang halaga ng mga napinsala.
Sa ngayon ay nag-evacuate muna sa covered court ang mga residenteng nawalan ng tirahan.
Samantala, isang bumbero ang iniulat na nakuryente habang rumeresponde sa sunog. Kaagad naman itong dinala sa pagamutan upang gamutin.
Comments