ni Lolet Abania | December 16, 2020
Isang residente ang namatay matapos ang sunog na naganap sa Paco, Manila ngayong Miyerkules nang umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bandang alas-5:50 ng umaga sa isang residential area sa Burgos-Zamora St. sa nasabing lungsod.
Nagising na lamang ang mga residente sa lugar sa kapal ng usok at ingay ng sirena ng trak ng mga bumbero.
Agad na nagtakbuhan ang mga ito sa playground ng lugar at nanatili doon habang patuloy na inaapula ng mga bumbero ang apoy.
Dahil sa pagkabigla, hindi na napansin ng mga apektadong residente na dapat ay nakasuot sila ng face mask o face shield at isinasagawa pa rin ang social distancing dahil sa posibleng pagkakaroon ng transmission ng COVID-19.
Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng namatay at ang halaga ng pinsala sa naganap na sunog.
Comments