top of page
Search
BULGAR

Sunog sa health office ng Zamboanga del Sur... 148,678 doses ng COVID-19 vaccines, natupok — NTF

ni Lolet Abania | November 2, 2021



Nasa tinatayang 148,678 doses ng COVID-19 vaccines ang nawasak matapos ang naganap na sunog sa Provincial Health Office (PHO) ng Zamboanga del Sur nitong Linggo, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 ngayong Martes.


Sa isang joint statement ng kanilang top officials, sinabi ng NTF na tinupok ng apoy ang 9,176 doses ng AstraZeneca; 14,400 ng Moderna; 88,938 ng Pfizer-BioNTech; at 36,164 doses ng Sinovac vaccines.


Gayundin, ilang routine immunization vaccines na alokasyon ng probinsiya ang na-damage rin.


Ayon sa NTF, ang mga AstraZeneca vaccines ay alokasyon bilang second doses at nakaiskedyul na ibakuna sa mga indibidwal sa Nobyembre 3.


Sinabi rin ng ahensiya na ang Moderna vaccines ay nakatakda namang ibakuna sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17, na nakaiskedyul din sa Nobyembre 3.


Ang quarter ng Pfizer vaccines naman ay alokasyon sa Pagadian City at pansamantalang na-stored sa naturang provincial cold storage dahil nasa full capacity na ang ultra-low freezer (ULF) ng siyudad.


Binanggit din ng NTF na ang kalahati ng Pfizer doses ay para sa vaccination rollout ng probinsiya habang ang isa pang quarter ng suplay ng nasabing vaccine ay nakalaan sa ibang local government units (LGUs).


Ayon sa NTF, ang Sinovac vaccines naman ay agad na idineliber sa nabanggit na cold storage dahil sa ilang LGUs ay tumangging tanggapin ang nasabing brand sanhi ng pagpili ng mga recipients ng bakuna.


Nagsisilbi ang three-storey building bilang cold chain storage facility para sa COVID-19 vaccines sa 26 munisipalidad at isang component city sa Zamboanga del Sur.


Sa kabila ng pagkasira ng mga COVID-19 vaccines, tiniyak naman ng NTF na mapapalitan nila ito ng bagong alokasyon bakuna.


Agad na naglabas ng direktiba si NTF vice chairman at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa DILG at Department of Health (DOH) na alamin ang naganap na insidente.


Iniutos na rin ng DILG sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) at kanilang regional offices na magsagawa ng mabilisang imbestigasyon sa nangyari.


Ayon pa sa NTF, nakatakda na ring mag-isyu ng isang show cause order sa provincial government ng Zamboanga del Sur dahil sa pagkabigo nitong mai-deliver ang mga vaccines tatlong araw matapos matanggap ang receipt ng supplies.


“May this unfortunate incident be a reminder to all local government units to ensure the safety and security of these life-saving vaccines,” sabi ng NTF.


“To avoid similar incidents happening in the future, the DILG and DOH are reiterating to all LGUs at the municipal, city, and provincial levels to ensure that safety officers are reporting 24/7 in all COVID-19 cold chain facilities and warehouses,” dagdag ng ahensiya.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page