ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 22, 2021
Ibang klaseng aral na rin marahil ang hatid ng viral video ng isang negosyanteng nanakit ng isang pulis trapiko para sa ilan nating kababayang nagmamaneho. Konting diperensiya lang sa lansangan o sa trapiko ay nagiging bayolente na ang isang driver, nariyang naninipa ng sasakyan ng iba, nambabasag ng salamin ng umoberteyk sa kanya, nanununtok ng kapwa motor rider kapag nagkagitgitan lang sa kalye at pinakamasakit sa lahat ay iyong gawin sa isang MMDA traffic cop na sampal-sampalin at kuwelyuhan ng isang nakakotse. Pero ang pinakamasaklap na yata sa lahat ay iyong pamamaril sa kaalitan sa kalye.
Isa lang naman ang dahilan kung bakit nagwawala na ang isang nagmamaneho, stressed silang lahat! Nasasabay pa ang init ng panahon. Bad trip sa mga personal na buhay, galing sa trabaho o kung saan man! Kaya kapag nagmaneho na tiyak may peligro nang nakaabang.
At para hindi ka na maging isa sa maging tampok sa viral video dahil sa alitan sa kalye, basahin ang tips kung paano manatiling kampante habang nagmamaneho:
1. Umalis ng maaga sa bahay para hindi maabutan ang trapiko. Kung malayo ang opisina, mag-adjust ka ng isang oras na pagmamaneho kumpara sa dating oras na ginagawa na hinahatdan ng traffic. Hindi iinit ang iyong ulo kapag medyo naipit sa trapiko, dahil maaga ka, hindi ka naghahabol sa oras dahil male-late ka na. Kahit na may mag-overtake man diyan, maiiling ka na lang at masasabi mong , “Hayun nagmamadali siya dahil male-late na siya.”
2. Maging mahinahon. Nakakainis nga naman kapag may nag-overtake sa iyo na halos sadsarin ang iyong sasakyan, pabayaan siyang humarurot, pero paano kung ikaw naman ang sisingit pero pinasingit ka naman, siyempre kumaway ka sa kanya at mag-“thank you” ka naman.
3. Ihusto ang tulog. Kapag kulang ka umano sa tulog, madali kang mainis, magalit at nabubuwisit. Peligroso rin dahil baka bigla kang mapapikit at makatulog habang nagmamaneho.
4. Sundin ang ilaw trapiko. Kapag may nakita kang humarurot kahit na nakapula ang ilaw ng trapiko, hayaan mo siya, bahala siya. Siya itong matigas ang ulo, pasaway at sino ba ang maaksidente? Para sa iyo, nagmamaneho ka para makarating sa paroroonan mo at hindi para maghanap ng kaaway.
5. Tiyaking maayos ang sasakyan. Dapat nasa kondisyon ang sasakyan mo bago gamitin, may sapat na gasolina. Nakakainis kapag natrapik dahil inaalala mo na baka maubusan ng gas, at bumigay ang baterya o mawalan na hangin ang gulong mo.
6. Magpahinga. Mainam na huminto muna, mag-inat at mag-relaks ng 15 minuto kung dalawang oras ka nang nagmamaneho.
7. Magdasal. Wala nang pinakaligtas sa lahat kundi ang manalangin bago magmaneho. Idalangin na anumang personal na problema ay hindi pumasok sa iyong isipan, makaiwas sa anumang insidente ng alitan o makatagpo ng pasaway sa iyong daraanan at matiyak na ligtas ka sa iyong patutunguhan.
Comments