top of page
Search
BULGAR

Suliranin sa wika ng pagtuturo, resolbahin sa lalong madaling panahon

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 19, 2021



Sa ating paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, nais nating paalalahanang muli ang lahat sa kahalagahan ng pagtugon sa mga isyu ng wikang ginagamit sa pagtuturo.


Ang wikang ginagamit sa pagtuturo ay itinuturing na isa sa mga pangunahing isyu sa ating mga paaralan. Base sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), nasa 94 porsiyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang gumagamit ng wika sa kanilang mga bahay na iba sa ginagamit sa mga paaralan.


Base rin sa naturang assessment na sinalihan ng 79 na mga bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading o Pagbasa. Lumalabas na isa lang sa limang mag-aaral sa bansa ang may sapat na kakayahan sa pagbabasa. Ayon sa Department of Education (DepEd), maaaring naaapektuhan ng gamit na wika ang kakayahan ng mga mag-aaral na maunawaan ang kanilang mga aralin sa Science at Mathematics.


Ang mandato ng Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education of Act of 2013, na mas kilala natin bilang “K to 12 Law” ay ipatupad sa kurikulum ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Sa unang tatlong taon ng elementary education, ang pagtuturo, kagamitan sa pagtuturo, at assessment ay isasagawa sa lokal o wikang pang-rehiyon ng mga mag-aaral.


Magpapatupad naman ng language bridge program sa paggamit ng Filipino at English sa Grade 4 hanggang Grade 6, hanggang ang dalawang wikang ito ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo sa secondary level.


Ang pagpapatupad ng MTB-MLE ay nagsisilbi ring hamon para sa ating mga guro. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, kabilang sa mga isyu ang kakulangan ng mga aklat na nakasulat sa mother tongue, pati na rin ang kakulangan ng teacher training sa pagtuturo ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 610 na nagsusulong na repasuhin ang pagpapatupad ng MTB-MLE.


Maganda ang layunin ng mother tongue education na turuan ang mga bata sa wikang kanilang naiintindihan, ngunit nakikita nating may mga hamon sa pagpapatupad nito at naaapektuhan dito ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Sa pagreporma natin sa ating sistema ng edukasyon, kailangang resolbahin natin ang mga isyu sa wika ng pagtuturo.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page