ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 26, 2022
Dear Sister Isabel,
Hindi ko alam kung bakit hindi na ako nilayuan ng mga problema. Hindi pa tapos ang isa, mayroon na namang bago. Mabuti na lang, nand’yan kayo para magbigay ng nararapat na payo sa mga suliranin ng tao. Kayo ang aking sandigan, kaya magaan ko na ring nalulutas ang aking mga problema. Agad akong sumasangguni sa inyo para hindi na magtagal ang problema ko. Maraming salamat sa inyo, Sister, dahil kung wala kayo, marahil ay winakasan ko na ang aking buhay ko.
Ang isasangguni ko sa inyo ngayon ay ang problema ko sa aking pamilya. Gusto ko kasing magtrabaho sa abroad para umasenso naman ang buhay namin, pero ayaw akong payagan ng mister ko, gayundin ang dalawa naming anak.
Hindi na kami makaahon sa hirap dahil mahina ang loob at tamad ang mister ko. Takot siyang makipagsapalaran sa anumang pagkakakitaan, kaya naisip ko na ako na lang ang kikilos para umunlad naman kami sa buhay.
Sister, ano ang gagawin kong pagkumbinsi sa asawa at mga anak ko para pumayag sila na magtrabaho ako sa abroad? Mayroon na akong employer sa Japan at hinihintay na lang ang pagdating ko.
Nagpapasalamat,
Lerma ng Bataan
Sa iyo, Lerma,
Hindi ko maiaalis sa iyo kung gusto mong magtrabaho sa abroad para umunlad ang buhay ng iyong pamilya, lalo pa’t ang sabi mo ay tamad at mahina ang loob ng asawa mo para makipagsapalaran sa buhay. Ipinapayo ko na mag-isip ka muna nang mabuti. Maraming nag-abroad ang hindi naman yumaman, bagkus ay nawasak pa ang pamilya dahil nagkaroon ng third party — nangaliwa ‘yung asawang iniwan o ‘yung nag-abroad ang kumaliwa dahil hindi nakatiis sa pangangailangang sekswal, gayung ang sabi mo ay sa Japan ka pupunta.
Marami akong kilala na pagdating ng Japan, hindi ‘yung trabahong inaasam-asam ang naging trabaho kundi naging sex slave ng mga Hapon at iba pang banyaga ru’n. Wala na silang magawa dahil hindi na puwedeng umatras at tinatakot silang papatayin ‘pag hindi pumayag sa ipagagawa sa kanila. Gusto mo bang mangyari ‘yan sa buhay mo? Sa palagay ko ay hindi.
Dahil d’yan, makabubuting dito ka na lang sa Pilipinas dahil puwede ka pa ring umunlad at yumaman dito, basta madiskarte, masipag at matiyaga ka. Subukan mong magnegosyo kahit maliit, manghiram ka ng puhunan sa coop o anumang lending sa inyo na maliit ang interes. Makikita mo na makakaraos ka rin. ‘Yung iba nga, sari-sari store lang ang negosyo, pero ngayon ay grocery na at puwede ring maging supermarket kung matututunan ang tamang diskarte.
Isa pang halimbawa ng negosyong madaling kumita ay street food gaya ng tusok-tusok o ihaw. Tiyak na ubos agad ‘yan at tatangkilikin ng mga tao. Hindi mo na rin kailangang umupa ng puwesto dahil d’yan sa harap ng bahay n’yo ay puwede mo nang umpisahan. Oh, ‘di ba?
Huwag kang mag-alala, yayaman at uunlad ka rin, matutupad ang pangarap mo, basta pursigido kang makamit ang mga ito sa tulong na rin ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Opmerkingen