ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | May 20, 2021
Dear Sister Isabel,
Matagal na itong gumugulo sa isip ko. College student ako at nag-aaral dito sa Manila at dito na rin inabutan ng lockdown sa boarding house ko. Medical Technology ang course ko, pero hindi ko ito gusto dahil pinilit lang ako ng mga magulang ko. Dati ay okay lang sa akin ang kursong kinuha ko, pero nang lumaon ay nawalan na ako ng interes. Dahil d’yan, hindi na ako pumapasok sa klase ko, sa halip ay naglalakwatsa ako maghapon at umuuwi na lang sa gabi.
Lingid sa kaalaman ng mga magulang ko, hindi na ako pumapasok. Nagkukunwari akong naka-uniporme kapag umaalis dito sa boarding house, pero hindi naman ako pumupunta sa paaralan at tuluyan na akong nag-drop sa lahat ng subjects ko.
Nababagabag na ang konsensiya ko sa ginagawa ko. Gusto ko nang sabihin sa mga magulang ko ang lahat, pero natatakot ako na saktan ako ng tatay ko at hindi na tanggapin sa aming tahanan pagbalik ko roon. Ano ang dapat kong gawin?
Gumagalang,
Dondon ng Caloocan
Sa iyo, Dondon,
Makabubuting ipagtapat mo na sa parents mo ang lahat. Taunin mo na nasa maganda silang mood at huwag mong biglain. Sa simula ay sabihin mo na nahihirapan ka na sa kursong pinakuha nila sa iyo, gayundin, hindi mo kamo maintindihan at ayaw pumasok sa utak mo kahit ano ang gawin mo. Sabihin mo na kung puwede ay magsi-shift ka na lang sa kursong gusto mo. Sa palagay ko ay maiintindihan ka nila. Mas mabuting huwag mo na lang ipagtapat sa kanila na hindi ka na pumapasok. Ilihim mo na lang sa kanila hangga’t maaari upang hindi na ito pagmulan pa ng malaking kaguluhan sa bahay n’yo.
Sa kabilang dako, pangatawanan mo na ang pagsi-shift ng kurso na naaayon sa iyong kagustuhan. Mag-aral kang mabuti at sikaping tumbasan ang pagpapakasakit ng mga magulang mo para sa iyong kabutihan. Maging mabuti kang anak upang pagpalain ka at magtagumpay sa buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentarios