ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 31, 2023
Noong nakaraang administrasyon, dinoble ng Department of Transportation (DOTr) ang equity subsidy para sa may-ari ng legal na pampasaherong jeepney at UV Express at bagong operators na sumali sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Matagal nang umiiral ang subsidiyang ito, ngunit dahil nang panahong ‘yun ay kasagsagan ng COVID-19 pandemic at napakaraming operator ang hirap na hirap na makatugon sa panawagan ng modernisasyon, gumawa ng napakalaking pagbabago ang DOTr.
Ang inilabas na direktiba ay nilagdaan mismo ni dating DOTr Secretary Arthur Tugade na nag-amyenda sa probisyon sa Department Order No. 2018-016 upang alalayan ang mga tsuper at operators sakaling magbabago sila mula sa tradisyunal na PUJs para maging PUVs.
Ang dating P80,000 ay ginawang P160,000 bawat PUV bilang equity subsidy para sa mga PUV at UV Express operators na may prangkisa at maaari rin itong gamitin ng mga operator na nag-a-apply para sa bagong ruta sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Maraming tsuper at operator ang natuwa sa ginawang ito ng dating pamunuan ng DOTr dahil malaking tulong ito sa mga stakeholders na nais makilahok sa PUVMP, lalo na’t halos nagsisimula pa lamang magbalik sa normal ang kanilang pamamasada.
Ang ginamit na salita ng DOTr sa hakbanging ito ay pag-agapay sa maliliit na tsuper at operator para makasabay sa modernisasyon at hindi mapag-iwanan, lalo na’t napakarami nang mga bagong sasakyan.
Napakadiin pa ng pagpapatupad nito dahil ang karagdagang subsidiya ay retroactive, ibig sabihin, ‘yung mga nag-apply mula Hunyo 31, 2018 ay kabilang kahit nakakuha na ng previous amount ay makukuha pa rin ng tsuper o operator ‘yung balanse.
Hindi naman nagpakita nang pagtutol ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa katunayan, buong-puso nilang tinanggap ang pagdoble sa subsidiya ng DOTr para mas marami umano ang maengganyo na sumali sa PUVMP.
Pero simula pala nang doblehin ang subsidiya ay hindi lang tripleng sumbong kundi tambak na reklamo ang inihayag sa atin ng mga nag-iiyakang tsuper at operator.
Bawat isang unit ay maaari umanong mag-loan nang mahigit P2 milyon para sa modernisasyon at may kaakibat itong subsidiya na P160,000 bawat unit—ito ay kung padadaanin sa banko ng pamahalaan na may 6% lamang na tubo sa loob ng pitong taon.
Bukod sa napakaraming requirements, kinakailangan pa umano ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) at Metro Manila Urban Transportation Integrity Study Update and Capacity Enhancement Program (MUCEP) na sobrang pahirap sa mga tsuper at operators.
Kaya ang resulta, pinapatos ng mga tsuper at operator ang alok na subsidiya na idinaan sa pribadong banko, higit na malaki dahil P360,000 ito, pero aabot sa 10% hanggang 12% ang tubo sa loob ng pitong taon, ngunit hindi mahigpit ang requirements.
Grabe ang nararanasang pighati ng ating mga kababayang tsuper at operator na pinaasang matutulungan ng subsidiya na kunwari ay dinoble pa pero nagmistulang bitag lamang para mabaon sa utang sa mga pribadong banko.
Maraming tsuper at operator ang nagsumite na ng requirements para sa subsidiyang ito noon pang 2018, pero hanggang ngayon ay hindi umuusad ang kanilang aplikasyon dahil nagtuturuan umano kung saan kukuha ng LPTRP at MUCEP.
Natatakot na kasi ang maraming tsuper at operator patusin ang subsidiyang dumaan sa pribadong banko dahil sa karanasan ng marami na hirap na hirap umano sa tubo. Sa halip kasi na matulungan sila ay nabaon pa sa bayarin.
Dinoble ang subsidiya para sa modernisasyon at hindi para ibaon sa hirap ang ating mga tsuper at operator na imbes gumanda ang sasakyan ay lalo pang nabulok dahil sa kahuhulog.
Tapos nagtataka tayo kung bakit patuloy ang pagdami ng kolorum—kasi nga marami ang gustong lumagay sa legal pero pinahihirapan, lalo na sa ilang ahensya ng pamahalaan na hanggang ngayon walang pagbabago.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments