ni Lolet Abania | May 26, 2021
Isang 25-anyos na estudyanteng piloto ang nasawi matapos bumagsak ang Tecnam P-2010 aircraft na kanyang gamit sa Bauang, La Union, ayon sa mga awtoridad.
Sa isang statement ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Operations and Rescue Coordination Center, ang student pilot ay mula sa First Aviation Academy ng Subic Bay International Airport na nagsasagawa ng tinatawag na solo-cross country flight.
Base sa flight plan ng eskuwelahan, ang eroplano ay may registry number RP-C8230 na nanggaling mula Iba Airport sa Zambales papuntang La Union Airport at Lingayen Airport, bago ito babalik sa Iba Airport. Ang eroplano ay bumagsak sa Barangay Urayong Bayan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang student pilot ay dinala sa Caba Municipal Health Office kung saan idineklarang patay na. Ang kanyang labi ay nasa Mapanao Funeral Service sa Aringay, La Union.
Narekober ng mga awtoridad ang mga debris ng eroplano na bumagsak sa tinatayang 300 metro ang layo mula sa pampang ng Barangay Wenceslao. Ayon pa sa CAAP, nagsasagawa na ng imbestigasyon mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board upang alamin ang naging sanhi at pinagmulan ng naganap na aksidente.
Yorumlar