top of page
Search
BULGAR

Strong Group sokpa na sa finals ng Dubai C'ship

ni Anthony Servinio @Sports | January 29, 2024




Umulit ang Strong Group Athletics ng Pilipinas laban sa Beirut ng Lebanon, 94-72, at pumasok sa finals ng 33rd Dubai International Basketball Championship Linggo ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Al Nasr Stadium.  


Haharapin ng koponan ang defending champion Al Riyadi ng Lebanon na tinalo ang Al Ahly Tripoli ng Libya, 83-73, sa kabilang semifinal.


Halos walang pinagkaiba ang resulta sa una nilang pagtagpo sa elimination round, 95-73, noong Martes.  Nakasabay lang ang Beirut sa unang quarter kung saan kinailangan ng siyam na sunod na puntos nina Kevin Quiambao, Justine Baltazar at Dwight Howard upang umakyat sa butas at itayo ang 13-4 bentahe at tuloy-tuloy na ang kanilang arangkada. 


Naka-shoot si Howard sa pagbukas ng fourth quarter para sa pinakamalaking lamang ng SGA, 75-49.  Kahit inupo na sa huling limang minuto, nanguna pa rin si Howard na may halimaw na numerong 26 puntos at 20 rebound. 


Sumuporta si Quiambao na may 18 buhat sa tatlong tres.  Itinala ni Baltazar ang kanyang pinakamatinding laro sa torneo na 15 puntos habang may dagdag na 10 si Jordan Heading. 


Dominado ng Al Riyadi ang Al Ahly Tripoli na itinabla ang laro ng tatlong beses lang na ang huli ay 9-9.  Mula roon ay walang nakapigil sa mga kampeon na lumamang ng 56-30 sa huling minuto bago ang halftime at inalagaan nila ito ng mabuti sa gitna ng pagsikap humabol ang kalaro. 


Sumandal ang Al Riyadi sa 22 puntos ng dating NLEX import Manny Harris.  Sumunod ang mga beterano ng kanilang pambansang koponan Wael Arakji na may 16 at Karim Zeinoum na may 15 at tiyak na sila ang mga babantayan. 


Parehong perpekto sa 7-0 ang SGA at Al Riyadi.  Maliban sa kampeonato, nais ding bumawi ng SGA sa Lebanese club na tinalo sila sa quarterfinals ng parehong torneo noong nakaraang taon, 106-97.                                     

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page