top of page
Search
BULGAR

Striegl, nanalo sa COVID-19, laban vs. Russian ang haharapin sa UFC

ni Gerard Peter - @Sports | October 18, 2020




Matapos mapanalunan ang laban sa novel coronavirus disease (Covid-19) noong Agosto, susubukan namang magwagi ni 2019 Southeast Asian Games Combat Sambo gold medalist Mark “Mugen” Striegl sa kanyang UFC debut laban kay Said Nurmagomedov ng Russia para sa bantamweight preliminary undercard fight, Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas) sa UFC Fight Night sa Flash Forum Arena sa Yas Island, Abu Dhabi, United Arab Emirates.


Naunsyami man ang unang pagsalang ng 32-anyos mula Baguio City nitong nakalipas na Agosto 23 laban kay Timur “The Lucky” Valiev ng Russia matapos tamaan ito ng Covid-19 habang nagbababa ng kanyang timbang, determinado ang dating Universal Reality Combat Championship (URCC) featherweight champion na magwagi sa kanyang unang sabak sa UFC.


Tatayo bilang undercard ang tapatan ng Filipino-American at Dagestani fighter sa featherweight main event match up nina Brian “T-City” Ortega (14-1-1) at “The Korean Zombie” Chan Sung Jung (16-5) ng South Korea.


Walang problemang nakuha ni Striegl ang kanyang timbang sa 136-pound nitong linggo ng gabi, (Sabado ng umaga sa Pinas), gayundin ang katunggaling si Said, na pinsan ni UFC lightweight champion Khabib sa pagtungtong sa 136-lbs.


Bitbit pa rin ang 5-game winning streak, aminado ang Tokyo, Japan-born fighter na si Striegl (18-2-1) na masubukang makuha ang unang panalo sa UFC kalaban ang 28-anyos na Makhachkala, Dagestan-fighter na si Nurmagomedov (13-2).


Ngunit sa naging dalawang pagkabigo ni Striegl ay parehong nagmula rin sa submissions ang pagkatalo nito mula kina Jang Yong Kim ng Korea sa Pacific X-treme Combat dahil sa Kimura armbar at Reece Mclaren ng Australia sa pamamagitan ng rear-naked choke sa ONE Championship. “He’s up against a very tough opponent,” pahayag ni URCC President Alvin Aguilar sa panayam ng Bulgar Sports sa online interview. “Keep it standing. He shouldn’t grapple with the Russian, Magagaling din yan. Mataas ang pedigree ng wrestling niyan,” payo ni Aguilar patungkol sa kakayahan ng Russian warrior pagdating sa grappling techniques.


Aminado ang pinuno rin ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) sa husay at kaalaman ng dating URCC featherweight champion, na apat na beses sumabak sa Filipino-brand MMA promotion, kung saan napagwagian nito ang titulo laban kay Do Gyeom Lee ng South Korea sa pamamagitan ng Guillotine Choke sa first round main event na URCC: Colossal noong Setyembre 29, 2018.


“I know Mark has the tools to win as long as he can withstand the Russians first round blitz,” wika ng 46-anyos 3rd degree jiu-jitsu blackbelt hinggil sa maaaring maging agresibong atake ng Russian warrior na kilala ring world-class striker na may titulong International Master of Sports in Pankration at dating kickboxing at Muay Thai artists.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page