@Buti na lang may SSS | July 23, 2023
Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay nag-resign sa aking work bilang salesclerk sa isang mall.
Ngayon ay nagtitinda naman ako ng manok sa isang wet market dito sa Quezon City.
Paano ko ba maipagpapatuloy ang aking paghuhulog sa SSS bilang self-employed? Salamat. —Mika
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Mika!
Bilang tugon sa iyong katanungan, ipinapayo namin sa 'yo na magtungo ka sa pinakamalapit na sangay ng SSS upang palitan ang iyong membership type mula sa pagiging Employed member to Self-Employed member. Kinakailangan kang magpasa ng Member Data Change Request Form na maaari mong i-download sa website ng SSS, www.sss.gov.ph.
Sa nasabing form, makikita mo ang bahagi ukol sa “Change of Membership Type”, lagyan mo ng tsek ang “Employed” sa ilalim ng “From” at i-tsek mo rin ang “Self-employed” sa ilalim ng ‘To”.
Isulat mo rin ang uri ng iyong business. Maaari mong ilagay dito na ikaw ay chicken retail vendor.
Kailangan ding ibigay mo kung kailan ka nagsimula sa iyong negosyo at kung magkano ang iyong buwanang kita mula rito na siyang magiging batayan sa pagkukuwenta ng magiging buwanang hulog mo sa SSS.
Sinimulan ng SSS ang coverage ng mga self-employed workers noong 1980 na itinatakda ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1957.
Sa ilalim ng naturang batas, ay sinasaklaw ng SSS ang mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon na walang employer kung hindi ang kanyang sarili habang hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw naman noong 1995. Kabilang din dito ang mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Halimbawa, Mika, ang idineklara mong buwanang kita ay P10,200 kada buwan mula sa iyong pagtitinda. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay nasasakop ng P10,000 monthly salary credit (MSC) na may kaukulang monthly contribution na P1,400 kada buwan at P10 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halagang kontribusyon na P1,410 kada buwan.
Para sa iyong kaalaman, ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na gaya mo habang nagtatrabaho. Dagdag-proteksyon naman din ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo, Mika, sa hinaharap.
Dagdag dito, ang buwanang kontribusyon ng isang self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktwal na kinikita.
Kinakailangan din na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website.
Gamit ang iyong account sa My.SSS, maaari kang mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) para sa pagbabayad ng iyong monthly contributions sa SSS.
Maaari ka ring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mo lamang mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na makikita sa iyong mobile screen.
Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon gaya ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Maaari ka ring magbayad ng iyong kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, e-wallet tulad ng GCash o iba pang online payment channels. Gayundin, maaari mo itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS tellering facility, mga accredited payment centers, at mga accredited partner agents ng SSS.
***
Mula Hunyo 22 hanggang Setyembre 21, 2023 ay tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad nito para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa Bicol Region na nagsimula noong Hunyo 5, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Albay na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity bunga ng pag-aalburoto ng nasabing bulkan. Kasama rito ang mga bayan ng Bacacay; Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.
***
Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios