top of page
Search

Stepdaughter bilang testigo

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 4, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Ako ay nagkaroon ng madrasta matapos na muling ikasal ang tatay ko. Mabait naman sa akin ang madrasta ko, subalit, nakikita ko na minamaltrato niya ang aming kasambahay.  Nagsampa ng kaso ang kasambahay namin laban sa aking madrasta at pinipilit akong maging testigo laban dito. Sinabihan ako ng aming kasambahay na maaari diumano akong ipatawag at pilitin ng korte para tumestigo laban sa aking madrasta. Kung sakaling ako ay ipatawag ng korte para tumestigo laban sa aking madrasta, maaari ba akong tumanggi?


Ashley


 

Dear Ashley,


Ayon sa Section 25, Rule 130 ng Rules of Court, hindi maaaring pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang mga magulang, o iba pang direktang ninuno, tulad ng mga lolo at lola. Hindi rin maaaring pilitin na tumestigo ang magulang laban sa kanyang anak, direktang apo, o kaapu-apuhan. Narito ang pahayag ng patakarang legal: 


 “Section 25. Parental and filial privilege. — No person may be compelled to testify against his parents, other direct ascendants, children or other direct descendants.”


Ang pribilehiyong ito ay maaari lamang gamitin ng mga taong nabanggit sa nasabing probisyon ng batas kung sila ay pinipilit na tumestigo laban sa kanilang magulang, direktang ninuno, anak, o direktang kaapu-apuhan. Ang layunin ng batas na ito ay upang maingatan ang relasyon ng bawat pamilya, at maiwasan ang pagdudulot ng pagkakasamaan ng loob o paghihiwa-hiwalay dahil sa mga pagkakataong nabanggit. 


Subalit, sa kaso ng In re: Petition for Cancellation and Correction of entries in the record of birth, Emma K. Lee vs. Court of Appeals, et al (G.R. No. 177861, 13 July 2010), sa panulat ng Kagalang-galang na Mahistrado Roberto Abad, ipinaliwanag ng Korte Suprema na hindi kasama sa nasabing pribilehiyo ang relasyon ng madrasta at anak ng kanyang asawa o stepchildren, sapagkat sila ay hindi direct ascendant o direct descendant ng isa’t isa. Narito ang pahayag sa nasabing kaso: 


A stepdaughter has no common ancestry by her stepmother. Article 965 thus provides:


Art. 965. The direct line is either descending or ascending. The former unites the head of the family with those who descend from him. The latter binds a person with those from whom he descends.”


Samakatuwid, sa iyong sitwasyon, hindi mo maaaring gamitin ang nasabing pribilehiyo kung sakaling ikaw ay ipatawag ng korte upang tumestigo laban sa iyong madrasta. Maliwanag na hindi itinuturing ng batas na direct ascendant mo ang iyong madrasta.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page