ni Anthony E. Servinio @Sports | November 8, 2023
Laro ngayong Miyerkules – Binan Stadium
4 p.m. Stallion Laguna vs. Terennganu
Umaasa ang Stallion Laguna na ang paglalaro sa sariling tahanan na Binan Stadium ang magtutulak sa kanila sa unang panalo sa simula ng Round 2 ng 2023-2024 AFC Cup Group Stage. Haharapin nila muli ang Terengganu, ang parehong koponan na umukit ng 2-2 tabla noong kanilang unang pagkikita noong Oktubre 26 sa Malaysia, simula 4 p.m.
Umarangkada agad ang Stallion, 2-0, sa mga goal nina Griffin McDaniel (6’) at Junior Sam (41’). Biglang nakalusot ng isa si Sonny Norde upang lumapit bago magwakas ang first half at kinumpleto ng Adisak Kraisom ang pagbangon ng Terengganu sa panablang goal sa ika-91 at bago wakasan ng reperi ang laro.
Kahit mapait ang kinalabasan, nakita ng Stallion na kaya nilang sabayan ang beteranong kalaro. Ito ang unang sabak ng mga Pinoy sa prestihiyosong torneo habang ito na ang pangatlong beses na kasali ang Terengganu.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Grupo G ang Stallion na may isang puntos mula isang tabla at dalawang talo. Numero uno ang Central Coast Mariners ng Australia na may 6 puntos at sinusundan ng Terengganu na may lima at Bali United ng Indonesia na may 4 na puntos.
Samantala, hahanapin ng Dynamic Herb Cebu ang ikalawang panalo sa Grupo F sa pagdalaw sa Shan United ngayong Huwebes. Nanalo ang Gentle Giants sa kampeon ng Myanmar National League, 1-0, noong Oktubre 26 din sa Rizal Memorial Stadium salamat sa goal ni Ken Murayama.
Hawak ng Phnom Penh Crown ng Cambodia ang liderato ng grupo na may malinis na 9 na puntos mula tatlong tagumpay. Pangalawa ang MacArthur FC ng Australia na may anim at Cebu na may tatlo habang 8 puntos ang Shan.
Comments