ni Anthony E. Servinio @Sports | June 27, 2023
Mga laro sa Biyernes – Hagonoy Sports Complex, Taguig
4:00 PM Kapampangan vs. Biñan
6:00 PM Taguig vs. Santa Rosa
Ibigay ang kauna-unahang Laguna Clasico sa Santa Rosa Lions matapos silang manaig sa bisitang Tatak Gel Biñan, 86-79, sa tampok na laro ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup Linggo ng gabi mula sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex.
Sa unang laro, nagpasikat ng maaga ang Taguig Generals at ibinagsak ang DF Bulacan Stars, 104-99.
Nagtapat ang mga minsan nang naging magkakampi sa mga dating koponan ng Laguna sa NBL subalit trabaho lang at umarangkada ang Lions, 9-0, at lumaki ito hanggang 49-29 sa second quarter. Hindi basta sumuko ang Biñan at nagawang lumapit ng tatlong puntos ng ilang beses, ang huli sa 77-80 at 3:40 sa orasan.
Mula roon ay umasa ang Santa Rosa sa mga pandiin na puntos nina Shawn Algire, Gio Calacalsada at John Lester Maurillo upang mapreserba ang tagumpay. Pumantay sa 1-1 ang kartada ng Lions at nakabangon mula sa 99-105 talo sa Bulacan noong unang araw ang liga noong Hunyo 16.
Napiling Best Player si Jazzele Oliver Cardeno na may 14 puntos habang may 13 si 2019 NBL MVP Shinichi Manacsa. Double-double si kapitan Jeff Disquitado na 11 puntos at 10 rebound.
Sumandal ang Taguig sa three-point play ni Edzel Galoy na ibinalik sa kanila ang lamang, 100-99, at 54 segundo sa orasan. Hindi na nakapuntos ang Bulacan at isinigurado ng Generals ang panalo mula sa free throw nina Dan Anthony Natividad, Galoy at Noel Santos.
Hinirang na Best Player si Natividad na nagsumite ng 22 puntos, 8 rebound at 7 assist. Sinuportahan siya nina Galoy at Mike Jefferson Sampurna na parehong may tig-16 puntos.
留言