top of page
Search
  • BULGAR

St. Dominic naka-1st win, PATTS larga sa 7 panalo

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 20, 2023




Lumikha ng kasaysayan ang Saint Dominic College of Asia at itinala ang pinakaunang tagumpay ng paaralan laban sa Emilio Aguinaldo College-Cavite, 59-48, sa 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament noong Lunes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila.


Matapos nito ay inihatid ni Norman Torreno ang ikapitong sunod na panalo ng rumaragasang PATTS College of Aeronautics kontra sa dating walang talong Immaculada Concepcion College, 76-74.


Ipinasok ni Torreno ang bola na may 1.3 segundo sa orasan upang mawasak ang 74-74 tabla at walang duda na siya ang Best Player na nagtapos na may 27 puntos. Pinutol din ng Seahorses ang limang sunod na panalo ng Blue Hawks na bumaba sa 5-1.


Binagalan ang laro at sinamahan ng malupit na depensa ng Saint Dominic upang paluhurin ang EAC-C. Humugot ng double-double ang Pikemen kay Best Player Paolo Lira na 17 puntos at 11 rebound habang ginawa ni Shan Azurin ang pito ng kanyang 10 puntos sa 4th quarter upang wakasan ang limang sunod na talo ng paaralan sa kanilang unang taon bilang kasapi ng NCRAA.


Sa ibang laro, pinantay ng Asian Institute of Maritime Studies ang kanilang kartada sa 4-4 at binigo ang host PUP, 80-71. Hinirang na Best Player si Jericho Peralta na may 19 puntos, kasama ang dalawang paniguradong shoot sa last 2 minutes.


Dinurog ng defending champion Centro Escolar University ang Bestlink College of the Philippines, 97-49, at umangat sa 7-1 kapantay ang PATTS para sa pangalawa at pangatlong puwesto sa likod ng numero uno at perpektong Olivarez College na 8-0.


Best Player si Jerome Santos na may 20 puntos. Sa Women’s Division, nakamit ng CEU ang panalo kontra Philippine Merchant Marine School, 84-58.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page