@Buti na lang may SSS | January 17, 2022
Dear SSS,
Dahil sa kasalukuyang pandemya ay maraming manggagawa ang lubhang naapektuhan nito. Kaya nais kong itanong kung mayroon bang benepisyong maibibigay ang SSS sa mga manggagawang nawalan ng trabaho? — Marah
Sagot
Malugod naming ibinabalita sa iyo na mayroong benepisyo ang SSS na ipinagkakaloob sa mga manggagawang inboluntaryong nawalan ng trabaho. Simula Marso 5, 2019 noong ipinatupad ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, maaaring mag-claim ng unemployment benefit ang mga miyembro ng SSS na katumbas ng 50% ng kanilang monthly salary sa loob ng dalawang buwan. Katulad ng ibang mga benepisyo, ito ay cash allowance na ibinabayad ng SSS upang masuportahan ang kanilang sarili para muli silang makahanap ng panibagong trabaho. Maaari kang makatanggap ng hanggang P20,000 na maximum benefit, na magagamit habang wala pang bagong trabaho.
Upang mag-qualify, kinakailangang hindi lalagpas sa 60-taong gulang sa panahon ng iyong aplikasyon. Kung underground o surface mineworker, hindi dapat higit sa 50-taong gulang at 55-taong gulang naman kung racehorse jockey. Dapat nakapaghulog din ng hindi bababa sa 36-buwang kontribusyon kung saan ang 12-kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18-buwan bago ang buwan na nawalan ng trabaho ang isang miyembro.
Bukod dito, maaari lamang bigyan ng unemployment benefit ang mga empleyadong inboluntaryong natanggal sa trabaho kung legal ang kanilang pagkakatanggal na naaayon sa Labor Code of the Philippines, tulad ng paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng kanilang operasyon o negosyo, at pagkakaroon ng sakit o karamdamang hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Kasama rito ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at mga kahalintulad na dahilan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE).
Maaaring mag-apply ng unemployment benefit sa pamamagitan ng My.SSS na nasa SSS website. Mag-log in sa iyong My.SSS account at magtungo sa E-SERVICES upang i-click ang “apply for the unemployment benefit claim.” Pagkatapos mapunan ang lahat ng kinakailangang impormasyon, at magpapadala ng abiso o notification ang SSS sa iyong registered e-mail address. Mag-reply sa nasabing e-mail at i-attach dito ang scanned copies ng sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW naman ang miyembro. Isasama rin ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment, kung alinman ang available.
Matapos nito, magpapadala ulit ng e-mail message ang SSS upang kumpirmahin na successful ang iyong aplikasyon.
Paalala namin sa iyo na maaari lamang i-file ang iyong aplikasyon sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagkatanggal mo sa trabaho.
Maraming miyembro na ang natulungan ng unemployment benefit mula sa SSS. Sa katunayan noong 2020, mahigit sa P1.71 bilyon unemployment benefit ang nabigyan ng SSS sa sa mahigit 135,000 kwalipikadong miyembro. Ang nasabing halaga ay siyam na beses na mas mataas sa naibigay na unemployment benefit noong 2019.
***
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal.
Simula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang isang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito ati-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makakahiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments