top of page
Search
BULGAR

SSS, tatanggap na ng online application ng maternity benefit claims

ni Fely Ng - @Bulgarific | June 6, 2021


Hello, Bulgarians! Mula noong Mayo 31, 2021 ay tumatanggap na ang Social Security System ng online Maternity Benefit Applications (MBA) at Maternity Benefit Reimbursement Applications (MBRA) sa pamamagitan ng My.SSS portal na makikita sa website ng SSS.

Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio, maaari nang magpasa ng online application para sa MBA at MBRA ngunit pinapayagan pa rin na magsumite ang mga miyembro ng kanilang aplikasyon sa pamamagitan ng drop box system o over-the-counter sa mga tanggapan ng SSS/ Foreign Representative Office (FRO)/ Medical Evaluation Center (MEC) hanggang Agosto 31, 2021 at ang mandatory implementation naman nito ay nakatakda sa ika-1 ng Setyembre 2021.


“Bilang bahagi ng mga hakbang sa digitalization, tatanggap na rin ang SSS ng mga aplikasyon ng maternity benefit na ipapasa online, tulad ng mga sickness benefit reimbursement, unemployment, retirement, at funeral applications. Pinahahalagahan namin ang kasalukuyang sitwasyon ng kababaihang miyembro na kabilang sa high-risk individuals sa sakit na dala ng COVID-19. Palagi naming prayoridad ang kanilang kalusugan at kaligtasan,” sabi ni Ignacio.

Sakop ng maternity benefit ang lahat ng babaeng miyembro na self-employed, voluntary, overseas Filipino worker (OFW), non-working spouse, at maging ang mga umalis sa trabaho at hindi pa nakatatanggap ng anumang paunang bayad na maternity benefit mula sa kanilang dating employers. Samantala, ang maternity benefit reimbursement naman ay sakop ang lahat ng employers, kabilang ang household employers.


Kabilang ang initial o bagong claims sa online application sa pamamagitan ng My.SSS account ng member o employer, kasama ang case adjustments, maging ang mga sumusunod:


  • kuwalipikado ang miyembro bilang solo parent;

  • may koreksiyon sa uri ng panganganak mula sa normal na naging caesarian o mula sa pag-agas na naging ectopic pregnancy at sumailalim sa operasyon;

  • mas mataas ang pagkalkula ng SSS sa pagkalkula ng ng employer;

  • may dagdag-kontribusyon na makaaapekto sa pagtaas ng makukuhang benepisyo;

  • pagtatama ng aprubadong bilang ng araw mula sa 60 (normal delivery) o 78 (caesarian section delivery) na magiging 105 araw; at

  • alokasyon ng leave credits na hindi nagamit dahil sa pag-alis sa trabaho ng ama ng bata o ng kuwalipikadong tagapag-alaga nito.


Samantala, kinakailangang i-scan at i-upload ang mga kailangang dokumento upang masuri ito ng SSS.


Para sa MBRA, ang paunang bayad ng employer ay kinakailangan na makumpirma o masertipikahan ng babaeng miyembro sa loob ng pitong araw mula sa araw ng e-mail notification na ipinadala ng SSS. Maaaring ma-aaccess ng miyembro kumpirmasyon o sertipikasyon sa pamamagitan ng link sa e-mail ng SSS o sa kanyang account sa My.SSS. Mare-reject ang claim kung hindi ito makumpirma o masertipikahan sa loob ng pitong araw at kakailanganin ng employer na muling magsumite ng MBRA bilang bagong transaksiyon. Para sa mga sitwasyon kung saan ang miyembro ay wala na sa dating employer, absence without leave (AWOL) o namatay bago maisumite ang claim, hindi na kakailanganin na ito ay makumpirma o masertipikahan.


“Hinihikayat namin ang mga miyembro at employers na mag-rehistro sa My.SSS at i-enroll ang kanilang bank accounts sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) upang matanggap nila ang kanilang mga benepisyo sa lalong madaling panahon. Ang mga online services na ito ay bahagi ng aming kampanya sa pamamagitan ng ExpreSSS para sa mas pinabilis, pinadali at pinasimpleng paraan na pakikipagtransaksiyon sa SSS. Ang pangunahing layunin nito ay mabigyan ang mga miyembro at ang publiko ng ligtas at madaling paraan upang mag-apply para sa kanilang benepisyo at loans ng hindi kinakailangan pang personal na magpunta sa aming mga tanggapan,” pagtatapos ni Ignacio.


Ang maternity benefit ay cash allowance na ibinibigay ng SSS sa kuwalipikadong babaeng miyembro. Upang makuwalipika, kinakailangang mayroong hindi bababa sa tatlong buwan kontribusyon sa loob ng 12-buwan bago ang semestre ng panganganak, pag-agas o emergency termination of pregnancy (ETP). Para sa mga employed members, kinakailangang ipaalam nila sa kanilang employers ang kanilang pagbubuntis. Para sa mga self-employed, voluntary, at OFW members, kinakailangan na sila ay magpasa ng maternity notification sa pamamagitan ng My.SSS portal sa SSS website o sa SSS Mobile App. Ipinapaalala rin sa mga miyembro na ang mga kontribusyon bago ang semestre ng panganganak, pag-agas o emergency termination of pregnancy (ETP) ang pagbabasehan ng kwalipikasyon sa nasabing benepisyo.


Ipinatupad ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law noong ika-11 ng Marso 2019 kung saan tinaasan ang bilang ng araw ng maternity leave, mula sa 60-araw para sa normal delivery, o 78 araw para sa caesarian section delivery, na naging 105-araw anuman ang uri ng panganganak. Mayroon din dagdag na 15-araw kung ang nanganak ay kuwalipikado bilang solo parent.

Sa sitwasyon naman nang pag-agas o ETP, binibigyan ang babaeng miyembro ng 60-araw na maternity leave. Pinapayagan din ng batas na magkaroon ng maternity leave ang kababaihan sa tuwing sila ay nanganganak, naagasan o ETP, maging ilang beses pa ito kumpara sa nakaraang limitasyon na apat na beses na panganganak lamang o pag-agas.


Makikita ang iba pang mga anunsiyo at impormasyon sa mga sumusunod na opisyal na social media channels ng SSS: “Philippine Social Security System” sa Facebook at YouTube, “mysssph” sa Instagram, “PHLSSS” sa Twitter, at ang SSS Viber Community na “MYSSSPH Updates.”


 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page