@Buti na lang may SSS |October 22, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang construction firm. May tanong ako ukol sa SSS sickness benefit. Nais ko sanang malaman kung mahalaga ba ang magpasa ng sickness notification? Salamat. — Tanya
Mabuting araw sa iyo, Tanya!
Mahalaga ang sickness notification sapagkat ang kawalan nito ay maaaring maging dahilan upang i-deny ang iyong sickness benefit claim application.
Para sa iyong kaalaman, ang SSS sickness benefit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan.
Ibinibigay ito sa mga kuwalipikadong miyembro na hindi makapagtrabaho ng hindi kukulangin sa apat na araw.
Dapat nakapaghulog din siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Para naman sa mga empleyado, dapat ay nagamit na niya ang lahat ng kanyang kasalukuyang sick leaves sa kumpanya.
Mahalaga rin na naabisuhan o nabigyan n’ya ng notipikasyon ang kanyang employer.
Halimbawa, na-confine ka sa ospital mula Mayo 25 hanggang Hunyo 2, 2023. Ang semestre ng iyong pagkakasakit ay mula Enero hanggang Hunyo 2023. Hindi natin isasama sa bilang ng komputasyon ng iyong naihulog sa SSS ang panahong ito dahil ito ang semestre ng iyong pagkakasakit. Kaya, ang huling 12 buwan bago ang semestre ng iyong pagkakasakit ay mula Enero hanggang Disyembre 2022. Sa panahong ito naman ay dapat mayroon kang hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon upang maging kuwalipikado sa benepisyong ito.
Kung ang miyembro ay isang self-employed o voluntary member, siya naman ay direktang magpa-file ng kanyang sickness benefit application sa SSS dahil wala siyang employer.
Samantala, parehong ang pagsusumite ng SSS sickness notification at Sickness Benefit Application ay online filing na gamit ang My.SSS account ng miyembro. Kaya mahalaga na ang isang miyembro ay nakarehistro sa My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph, at nakapag-enroll ng kanyang bank/savings account sa ilalim ng Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na matatagpuan din sa My.SSS Portal.
Batay sa SSS Circular No. 2023-008 na may petsang Oktubre 16, 2023, muling ibinalik ang prescriptive period para sa filing ng sickness benefit. Bunga nito, mayroong limang araw mula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit ang isang miyembro upang abisuhan ang kanyang employer gamit ang SSS Sickness Notification form. Limang araw din na kinakailangang i-notify ng employer ang SSS sa pagkakasakit ng kanyang empleyado. Ngunit, kung ang miyembro ay may hospital confinement, binibigyan siya ng isang taon mula sa araw ng kanyang pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan upang i-file ang kanyang sickness benefit claim. Hindi na kailangang ipagbigay-alam pa ang kanyang pagkakasakit kung ang miyembro ay naospital o nagkasakit habang nagtatrabaho sa loob ng kanyang kumpanya.
Samantala, ang sickness notification ay ie-evaluate ng SSS at aaprubahan. Dito din malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro. Kapag nakuha na ang aprubadong sickness notification maaari nang ipauna ng employer ang naturang benepisyo sa kanyang empleyado.
Kapag ipinasa ng empleyado sa tamang panahon ang kanyang sickness notification ngunit hindi ito kaagad ipinasa ng kanyang employer, buo pa rin ang tatanggaping sickness benefit mula sa kanyang employer. Subalit, ang halaga ng reimbursement na matatanggap ng employer ay mababawasan dahil sa late filing o pagbibigay ng notification.
Kung naipagbigay-alam ng empleyado sa kanyang employer o sa SSS kung nahiwalay sa trabaho, self-employed o voluntary member ang kanyang pagkakasakit matapos ang takdang limang araw, ang confinement ng miyembro ay mag-uumpisa lamang sa ikalimang araw bago natanggap ng employer o ng SSS ang notipikasyon.
Dagdag pa rito, kung naipagbigay-alam ng employer sa SSS ang pagkakasakit ng isang empleyado matapos ang takdang limang araw matapos matanggap ang notipikasyon mula sa empleyado, ang mare-reimburse lamang ng employer ay ang bawat araw ng pagka-confine ng empleyado mula sa ika-10 araw bago natanggap ng SSS ang notipikasyon.
Kapag naibigay naman ng empleyado ang kinakailangang notipikasyon sa kanyang employer subalit hindi naipagbigay-alam ng employer ang pagka-confine nito sa SSS na naging sanhi ng hindi pagbibigay o ng pagkabawas ng benepisyo, ang kabuuang halaga ng benepisyo ay kinakailangang ibigay pa rin ng employer sa kanyang empleyado ngunit ang employer ay hindi maaaring mag-reimburse sa SSS ng daily sickness allowance na ibinayad sa kanyang empleyado.
Nakapaloob sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, pinapaunang bayaran ng employer ang kanyang empleyado ng sickness benefit. Ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Sickness Benefit Reimbursement Application Form. Sa nasabing form ay isesertipika ng empleyado na paunang naibayad na sa kanya ang sickness benefit.
Kaya kung hindi pa paunang naibayad ang sickness benefit, huwag munang pirmahan ang form bagkus, dapat i-report ito sa SSS upang maituro sa employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng sickness benefit.
Maaaring ang pag-file ng sickness notification ay ang huling bagay na iniisip ng mga empleyado kapag sila ay may sakit, ngunit napakahalaga itong gawin. Nakasalalay dito ang benepisyong makukuha ng isang miyembro ng SSS sa oras ng kanyang pangangailangan.
***
Bukas pa rin ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na nasalanta ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone (TC) Egay. Tatanggap ng aplikasyon para sa CAP hanggang Nobyembre 14, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountain Province; mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan, Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro; at sa Lungsod ng Dagupan.
***
Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentários