@Buti na lang may SSS | October 4, 2020
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay SSS pensioner, at nais kong malaman kung paano mag-apply ng Pension Loan Program gayung hindi maaaring lumabas ang mga nakatatanda? – Jose
Sagot
Mabuting balita, Jose! Lalong pinahusay pa ng SSS ang Pension Loan Program (PLP). Mula Setyembre 15, 2020, maaari nang mag-file ng loan application ang mga kuwalipikadong SSS retiree-pensioner sa pamamagitan ng My.SSS.
Ninanais ng SSS na manatiling ligtas sa lumalaganap na sakit ang mga pensiyunado nito. Dahil dito, sinikap ng ahensiya na gawing online na ang aplikasyon sa nasabing pautang sa mga pensiyunado.
Upang magamit ang pasilidad na ito, kinakailangan na ikaw ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Dapat din na ikaw ay mayroon aktibong mobile number at SSS UMID-ATM o di kaya’y SSS-UnionBank Quick Card.
Kung natugunan mo ang mga kondisyong ito, maaari ka nang mag-file ng PLP gamit ang My.SSS. Kinakailangan lang na mag-log in sa iyong My.SSS account at magtungo ka sa E-Services tab kung saan makikita mo ang “Apply for Pension Loan.” I-click mo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin mo ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran at i-click mo ang “I agree to the terms and conditions of the program.”
Maaaring i-download o i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap ka ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng email patungkol sa iyong aplikasyon.
Papasok ang halaga ng iyong inutang sa iyong SSS UMID-ATM o SSS-UnionBank Quick Card. Sa kasalukuyan, makahihiram ka ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon.
Nanatili pa rin ang mga kondisyon na dapat matugunan ng mga nagnanais mag-apply sa PLP tulad ng:
Hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;
Walang ibinabawas sa kaniyang buwanang pensyon, gaya ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;
Walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at
Tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments