top of page
Search

SSS, nagbabala sa mga miyembro, pensyonado laban sa online fixers

BULGAR

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | October 9, 2020




Hello, Bulgarians! Pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) na hindi konektado at awtorisado ang anumang social media accounts at pages na nanghihingi ng bayad sa mga miyembro at pensiyunado nito kapalit ng paggawa ng kanilang SSS account.


Kasama rin dito ang pag-sumite ng kanilang mga aplikasyon sa mga benepisyo tulad ng retirement at mga aplikasyon ng pautang sa SSS.


Pinapayuhan ang lahat na ingatan ang kanilang SSS accounts sa mga mapanlinlang na mga indibidwal at siguraduhin na lahat ng gagawing aplikasyon online ay sa pamamagitan lamang ng My.SSS accounts na maaaring i-access sa www.sss.gov.ph at SSS Mobile App.


Binabalaan din ng SSS ang mga online fixer na sila ay may kriminal at sibil na pananagutan. Ito ay paglabag sa Section 17 ng Batas Republika 11199 o ang SS Act of 2018 at may karampatang multa na aabot hanggang P5,000 o pagkakakulong na hindi bababa sa 6 na buwan at maaaring umabot ng 1 taon, o parehong kaparusahan, depende sa magiging desisyon ng korte.


Bukod pa rito, ang paggamit ng online fixers ay labag din sa Batas Republika 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.


Upang isumbong ang mga pinaghihinalaang nagsasagawa ng online fraud at mga online fixer, maaaring mag-email sa SSS Special Investigation Department sa fid@sss.gov.ph o magpadala ng mensahe sa alinmang social media accounts ng SSS gaya ng SSS Facebook page, “Philippine Social Security System,” Instagram account, “mysssph,” at Twitter account, “PHLSSS.” Hinihimok din naman sila na sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates,” upang makatanggap ng tamang impormasyon mula sa SSS.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page