@Buti na lang may SSS | May 8, 2022
Dear SSS,
Magandang araw po! Nais ko sanang i-verify ang aking hulog sa SSS subalit wala akong oras upang magpunta sa SSS branch. Mayroon bang paraan na i-verify ko ang aking mga hulog sa SSS nang hindi na kailangan pang pumunta sa inyong opisina? Salamat.
— Sally
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Sally!
Simula noong pandemya noong Marso 2020 ay pinaigting ng SSS ang iba’t ibang transaksyon nito gamit ang online platform tulad ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website. Kaya aming hinihikayat ang mga miyembro, employer, gayundin ang mga pensyonado na gumawa at magrehistro ng kanilang My.SSS account para sa mas mabilis at mas ligtas na paraan ang kanilang pakikipagtransaksyon sa SSS na hindi na kinakailangan pang magpunta sa mga tanggapan nito.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) o di kaya’y i-click mo ang link na ito, https://bit.ly/3LTuLCI, upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang dapat mong ilagay na e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para naman i-activate at magamit mo ang iyong account.
Sally, isa sa mga transaksyon na maaari mong gawin gamit ang My.SSS ay ang pag-verify ng iyong mga hulog sa SSS. Gamit ang nasabing platform ay maaari mong makita kung updated ba o posted na ang iyong hulog sa SSS.
Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para i-verify ang iyong contribution record, i-click mo ang “INQUIRY” tab. May dalawa kang pagpipilian dito: “Benefits” at “Contributions.” i-click mo ang “Contributions”.
Dadalhin ka nito sa “MONTHLY CONTRIBUTIONS” kung saan makikita ang lahat ng iyong hulog mula sa taon ng unang paghuhulog mo sa SSS. Naka-breakdown ang hulog mo kada buwan at bawat taon ng iyong pagiging miyembro. Makikita mo rin dito ang mga buwan na mayroon at wala kang naihulog na contributions. Dahil dito regular mo na ring makikita kung nagre-remit o hindi ang iyong employer ng iyong SSS contributions.
Kung mayroong mga buwan naman na hindi nag-remit ang iyong employer ngunit kinaltasan ka ng SSS contributions, maaari mo itong i-report sa SSS para sa kaukulang reklamo.
Sa ibabang bahagi ng “MONTHLY CONTRIBUTIONS” ay makikita mo ang Total Number of Contributions Posted o ang kabuuang bilang ng buwan na nakapaghulog ka sa SSS. Mahalaga ang bilang ng buwan na iyong naipaghulog sa SSS sapagkat ito ang unang tinitignan kung naabot mo na ang tamang bilang ng buwanang kontribusyon para mag-qualify sa loans at mga benepisyo sa SSS. Makikita mo rin dito ang Total Amount of Contributions o ang kabuuang halaga ng naihulog mo na sa SSS.
Pinapayuhan naming muli ang lahat ng aming mga miyembro na palaging i-check ang kanilang contribution records upang mabilis nilang i-report ang anumang iregularidad na nakikita nila sa kanilang record.
***
PAALALA: Hanggang Mayo 14, 2022 na lamang tatanggap ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Samantala, hanggang Mayo 21, 2022 naman tatanggap ng aplikasyon para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios