@Buti na lang may SSS | March 13, 2022
Dear SSS,
Magandang araw, SSS! Ako ay isang freelancer at kasalukuyang naghuhulog bilang self-employed member. Sa ngayon, ako ay nagdadalang-tao kaya nais kong malaman kung maaari na akong mag-file ng maternity benefit application sa pamamagitan ng online. Salamat po. —Angelie
SAGOT:
Mabuting araw sa 'yo, Angelie!
Simula noong Mayo 31, 2021, maaari nang mag-file ng maternity benefit application online ang mga kababaihang miyembro ng SSS na katulad mong self-employed, maging ang mga employed, voluntary, overseas Filipino worker (OFW) at non-working spouse (NWS). Dahil dito, hindi mo na kinakailangang magpunta sa alinmang sangay ng aming mga tanggapan upang makapag-file ng iyong claim.
Bahagi ito ng pinaigting na digitalization efforts ng SSS upang gawing online ang iba’t ibang transakyon ng mga miyembro, employer, pensyonado at claimant sa SSS sa ilalim ng brand campaign nitong ExpreSSS – mas pinadali, mas pinabilis at mas pinasimpleng mga transaksyon sa SSS. Isa nga rito ang pagpa-file ng maternity benefit application gamit ang iyong account sa My.SSS na nasa SSS website (www.sss.gov.ph).
Kaya Angelie, dapat tiyakin mo na ikaw ay nakarehistro na sa My.SSS. Kung hindi pa, maaari kang magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) o di kaya’y i-click mo ang link na ito, https://bit.ly/3tKSo8v, upang masimulan ang iyong pagrerehistro dito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Nais naming ipaalala na ang dapat irehistro mong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para ma-activate at magamit mo na ang iyong account.
Mahalaga rin na i-enroll mo ang iyong bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) kung saan nais mong matanggap ang iyong benepisyo. Kailangan lamang na ang iyong account ay kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) participating banks.
Upang makapag-enroll sa DAEM, mag-login sa iyong My.SSS account. I-click ang “E-SERVICES” at pagkatapos ay i-click mo ang Disbursement Account Enrollment Module. Sundin mo ang lahat ng procedures at punan mo ang lahat ng kailangang impormasyon. Matapos ito, i-attach mo ang malinaw na kopya ng napili mong dokumento na nagpapatunay na lehitimong sa 'yo ang iyong account. Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong account enrollment at ang status o resulta ng iyong enrollment. Kapag mayroon ka nang My.SSS account, mag-login ka gamit ang iyong user ID at password.
Samantala, kung ikaw ay nakapag-enroll na sa DAEM, i-click mo ang “Member”. Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click ang “Submit”. Makikita ang mga tab ng “HOME", “MEMBER INFO", “INQUIRY”, “E-SERVICES" at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN)”. Para mag-file ng maternity benefit application, i-click ang “E-SERVICES” tab at sunod mong i-click ang maternity benefit application.
Angelie, kailangan mong i-upload ang mga supporting documents hinggil sa iyong maternity benefit application tulad ng Maternity Notification Form na may tatak na natanggap ito ng SSS, pinunuang Maternity Reimbursement Form, UMID o 2 valid IDs.
Susuriin naman ng SSS ang mga dokumento na iyong isusumite. Samantala, maaari pa ring humingi ang SSS ng mga karagdagang dokumento, kung kinakailangan para dito.
Magpapadala naman ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong aplikasyon at kung ito ay aprubado o kaya’y denied.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na pinalawig ang application period ng Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang May 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Bukod dito, pinalawig din ang application period para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para dito hanggang Mayo 21, 2022.
Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan.
Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments