top of page
Search
BULGAR

SSS Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga nasalanta ng bagyong Odette

@Buti na lang may SSS | February 06, 2022



Dear SSS,


Nais ko sanang malaman ang mga kondisyon tungkol sa calamity loan para sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette. Paano ba mag-apply dito? - Tessie ng Liloan, Southern Leyte


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Tessie!


Maaasahan ng ating mga miyembro ang tulong mula sa SSS sa panahon ng mga kalamidad tulad ng mga biktima ng Bagyong Odette. Simula noong Enero 14, 2022 ay binuksan na ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) upang mabigyan ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at pensiyunado na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at CARAGA at sa iba pang lugar na maaaring ideklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity dulot ng nasabing bagyo.


May tatlong kategorya sa ilalim ng programang ito na binubuo ng Calamity Loan, Direct House Repair and Improvement Loan para sa mga miyembro at ang Three-month advance pension para sa lahat ng mga SSS at EC pensioners.


Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan mo, Tessie, ang sumusunod na kondisyon:


  • ikaw ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36-buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

  • naninirahan ka sa lugar na kabilang sa idineklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity;

  • mayroong account sa My.SSS;

  • hindi pa nabibigyan ng final benefit tulad ng permanent total disability o retirement benefit;

  • walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP; at

  • nakarehistro ang UMID-ATM card o bank account na nasa bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Card sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay online gamit ang iyong My.SSS account. Kung ikaw naman ay empleyado ng kompanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS. Ang pagtanggap ng aplikasyon para rito ay hanggang Abril 13, 2022. Kasabay din nito ang deadline para sa Three-month advance pension sa mga pensiyunado ng SSS maliban sa Direct House Repair and Improvement Loan na tatagal naman ng isang taon.

Makahihiram ka, Tessie, ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12-buwan na hindi hihigit sa P20,000 o ang halaga na nilagay sa iyong aplikasyon, kung alinman ang mas mababa rito. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Ang nasabing pautang ay maaaring bayaran ng installment sa loob ng 24 buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Ito rin ay may interest na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukuwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24-buwan. Ang 1% na service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interest na prorated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


***


Nais nating ipaalala sa mga miyembro na hanggang Pebrero 14, 2022 na lamang maaaring mag-file ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS, tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019. Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro gamit ang kanilang My.SSS account.


Bukod dito, hanggang Pebrero 21, 2022 na din lamang tatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari mag-file ng aplikasyon ang mga interesadong miyembro sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page