@Buti na lang may SSS | August 30, 2020
Dear SSS,
Pensioner ang nanay ko sa SSS at kami ay nakatira sa Polomolok, South Cotabato. Ang depository bank niya ay matatagpuan naman sa General Santos City. Mula August 19, naka-lockdown ang munisipalidad namin dahil sa COVID-19. Ano ang maipapayo ninyo hinggil ACOP ng nanay ko? – Rosannie
***
Dear SSS,
Ang nanay ko ay 80 taong gulang na at kasalukuyang tumatanggap ng pension ng namayapa kong tatay. Bawat taon ay kinakailangan niyang magpunta sa SSS branch para mag-comply sa ACOP. Dahil may pandemya, anong opsiyon ang maaari niyang gawin para makapag-ACOP reporting month na niya ngayong Setyembre? – Cherry
Sagot
Mabuting balita, Rosannie at Cherry! Sa kasalukuyan, pansamantalang sinuspinde ng SSS ang pagtupad ng lahat ng ating mga pensiyunado sa Annual Confirmation of Pensioners Program o ACOP. Mula Pebrero 2020, hindi muna kailangang pumunta ng inyong mga nanay sa alinmang SSS branch o sa kanyang depository bank upang mag-comply dito.
Ito’y bunsod na rin ng ating kinahaharap na pandemya kung saan prayoridad ng SSS ang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga pensiyunado, higit lalo ang mga senior citizens na pinagbabawalang lumabas bilang health protocol ng gobyerno.
Ginagawa ito ng SSS mula pa noong 2012 upang malaman kung ang mga pensiyunado at kanilang benepisaryo ay sila pa rin ang kasalukuyang tumatanggap at nakikinabang ng mga kaukulang benepisyo mula sa SSS. Kaya naman, napakahalagang sila ay sumunod sa taunang pag-report sa mga sangay ng SSS higit lalo na ang ating mga total disability at death benefit pensioners, maging ang mga retiree-pensioners na naninirahan sa ibang bansa sa pamamagitan naman ng Skype.
Habang umiiral ang community quarantine sa bansa ay mananatili itong suspendido kaya naman hindi obligado ang mga nanay ninyong magtungo sa sangay ng SSS o sa kanilang depository bank bilang pagtugon sa ACOP. Patuloy pa rin silang makatatanggap ng kanilang buwanang pensiyon kahit hindi nakapag-report sa SSS sa birth month nila o sa birth month ng namayapang miyembro ng SSS.
Samantala, Rosannie and Cheryl, kapag tinanggal na ang ipinapatupad na community quarantine sa bansa, bibigyan pa ang mga pensiyunado ng karagdagang 60-araw na palugit upang makatugon sa ACOP. Kung hindi sila nakatugon sa takdang panahon, doon pa lamang sususpindehin ng SSS ang kanilang buwanang pensiyon.
Samantala, ang mga pensiyunado na suspendido na ang mga pensiyon bago pa man magpatupad ng community quarantine bago ang Pebrero 2020, ay bibigyan ng online option upang makatugon sa ACOP. Ang nasabing mga pensiyunado ay maaaring mag-file nito sa pamamagitan ng pag-sumite ng pinunuang ACOP form na maaaring i-download sa SSS website (www.sss.gov.ph) o pamamagitan ng drop-box system na matatagpuan sa mga sangay ng SSS.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
留言