@Buti na lang may SSS | April 10, 2023
Dear SSS,
Magandang araw!
Ako ay isang college student na nagnanais mag-part time work. Nag-apply ako sa isang call center at natanggap ako. Isa sa requirement ay ang SSS number, ngunit wala pa ako nito. Hindi ako makapunta sa branch n’yo dahil may pasok ako sa school. May paraan ba upang makakuha ako ng SSS number nang hindi pupunta sa SSS branch?
Salamat. —Lanie ng Taguig
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Lanie!
Hindi mo na kinakailangang magtungo sa alinmang sangay ng SSS upang kumuha ng iyong Social Security (SS) number, sapagkat available na ito online sa pamamagitan ng aming website, www.sss.gov.ph.
Inilunsad ito ng SSS upang mapabilis ang pagkuha ng SS number, lalo na ang mga bagong tapos sa kolehiyo at kabataang naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon.
Kasama rin ang online na pagbigay ng SS number sa aming patuloy na kampanya upang palawakin ang kapasidad ng aming website para makapagbigay ng mas magandang alternatibo sa mga over-the-counter na aplikasyon. Sa pamamagitan nito, puwede na ang electronic na transaksyon, sa halip na pipila pa ang aming mga miyembro sa aming mga sangay at opisina.
Gamit ang online application, maaari mong makuha ang SS number sa loob ng lima hanggang 10 minuto. Subalit, temporary pa lamang ang SS number na nakuha mo online, pero maaari na itong gamitin ng employer para bayaran ang kontribusyon mo.
Para maging permanente ang iyong temporary SS number, kinakailangang magsadya ka sa kahit saang sangay ng SSS upang isumite ang orihinal or certified true copy ng iyong birth o baptismal certificate o ibang pang dokumento ng pagkakakilanlan.
Kinakailangang maging permanente ang iyong SS number para makinabang sa mga benepisyo at pautang ng SSS.
Upang makakuha ng SS number, pumunta sa SSS homepage at pindutin ang “No SSS number yet? Apply Online” tab na makikita sa ibabang bahagi ng SSS website.
Pagkaraan ay lalabas ang step-by-step guide na dapat mong sunduin para umusad ang iyong online application.
Kinakailangang ibigay mo ang iyong mga personal na impormasyon gaya ng pangalan, petsa ng kapanganakan at email address. Pagkatapos isumite ang mga impormasyong ito, padadalhan ka ng link sa iyong email, kaya dapat aktibo ang email na ibinigay mo. Sa iyong email address, kailangan mong kumpirmahin ang link na ipinadala sa iyo sa loob ng limang araw kung hindi ay uulitin mo ang buong proseso.
Para makumpleto ang registration, kinakailangang suriin mo nang maigi ang mga impormasyon na iyong nilagay at itama ito kung may mali bago makakuha ng SS number sa online system.
Dapat maging maingat at suriing maigi ang mga personal na datos na iyong ilalagay bago mo isumite. Kapag nabigyan ka na ng SS number, hindi na nila maaaring maitama ang nailagay mong datos gamit ang online system. Maaari lamang itong baguhin gamit ang Member's Data Change Request kalakip ang mga kaukulang dokumento at isumite ito sa alinmang sangay ng SSS.
Pagkatapos ilabas ang SS number, ipapakita sa screen ang personal record at SS number slip. Maaari mo itong i-print bilang katibayan ng iyong online registration.
Magpapadala ng soft copy ng iyong Personal Record (E-1) sa iyong rehistradong e-mail address sa SSS.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments