ni Lolet Abania | April 24, 2021
Ipadadala lamang sa mga local government units (LGUs) ang inaasahang dumating sa bansa na doses ng Sputnik V COVID-19 vaccine na gawa ng Russia kung matutugunan ng mga ito ang karapat-dapat na storage at handling standards ng bakuna, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nasabing vaccine na na-develop ng Gamaleya Institute ay kinakailangang naka-store sa madilim na lugar na may temperatura na hindi tataas sa -18 degrees Celsius, isang requirement kung saan ang ibang LGUs ay hindi ito matutugunan.
Ang temperature standards para sa Sputnik V ay mas mababa kumpara sa Sinovac at AstraZeneca, na maaaring ilagay sa normal storage facilities dahil parehong nangangailangan ang mga ito ng temperatura na nasa 2 hanggang 8 degrees Celsius.
Sa ngayon, ang dalawang brands ng bakuna ang ginagamit sa bansa para sa COVID-19 vaccination drive. Sinabi ni Vergeire na dahil sa nararapat na storage requirement, ang Sputnik V ay hindi maipapamahagi sa lahat ng rehiyon sa bansa.
“Pagdating ng Sputnik V, mayroon lang pong assigned LGUs because they have the capability to store ‘yung said vaccines... Kaya hindi natin maibigay sa lahat ng ating regions,” ani Vergeire sa briefing ngayong Sabado.
Matatandaang binanggit ng DOH na inaasahang darating ang Pfizer at Sputnik V vaccines sa katapusan ng buwan. Binigyan na ang parehong COVID-19 vaccines ng emergency use authorization ng Food and Drug Administration (FDA), isang pre-requisite para sa distribusyon at paggamit nito sa bansa.
Samantala, nitong Huwebes, may 500,000 doses ng Sinovac vaccines ang dumating sa 'Pinas. Ipapamahagi ito sa mga LGUs para ipagpatuloy ang pagbabakuna ngayong weekend, ayon kay Vergeire.
Sa datos ng gobyerno hanggang April 22, aabot na sa 1.6 milyong Pinoy ang nabakunahan kontra-COVID-19, kabilang na ang 200,000 na nakatanggap ng parehong doses ng two-jab regimen.
Comments