ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 21, 2022
Malaki ang ating pasasalamat sa Administrasyong Marcos sa pangako nitong ipagpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga. Napakalaki kasi ng epekto ng droga sa lipunan at sa bansa. Sa isang pamilya, kapag may isa lang na miyembro na nalulong sa droga, lahat sila ay apektado na. Nawawala ang katiwasayan sa tahanan at naglalaho ang saya at pagmamahalan.
Bilang vice-chair ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ipagpapatuloy natin ang nasimulan ng Administrasyong Duterte na paglaban sa ilegal na droga. Dahil tulad ng ating paniniwala, kapag laganap ang droga, nariyan din ang kriminalidad at katiwalian. Kapag nasugpo ang ilegal na droga, ang kasunod nito ay katiwasayan sa ating bayan.
Si dating pangulong Rodrigo Duterte, prayoridad niyang labanan ang ilegal na droga, kriminalidad at korapsyon. Kapag bumalik ang droga, babalik din ang kriminalidad at papasok ulit ang korapsyon. Lumalaganap ang krimen, kidnapping at patayan. Madali kasi ang pera sa droga at lucrative business 'yan kahit ilegal.
Hindi natin dapat hayaang bumalik o muling lumaganap ang ilegal na droga sa bansa. Malayo na ang ating narating sa laban na ito. Marami nang nakumpiska, nahuli, napanagot at nagbagong buhay sa nakaraang anim na taon. Pero hindi ito ang panahon para magkumpiyansa dahil kinabukasan at kaligtasan ng ating mga anak ang nakasalalay dito.
Kaya tayo, bilang lingkod bayan ay ipagpapatuloy natin ang adbokasiya ni Tatay Digong at suportado ko rin ang hangarin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na paigtingin pang lalo ang laban sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga biktima ng droga na ma-rehabilitate at magbagong buhay.
Nakalinya rin naman ating kampanya laban sa ilegal na droga sa pananaw ng ating Pangulo na dapat paigtingin ang prevention — pagpapalawak ng edukasyon at impormasyon sa masamang epekto, lalo na sa kabataan, pagtulong sa mga drug dependent na gumaling at makabalik sa kanilang pamilya at lipunan nang nakabatay sa mga umiiral na batas, at ang pagrespeto sa kanilang mga karapatang-pantao.
Palagi nga nating sinasabi, itong mga drug dependent ay mga biktima lang kaya dapat nating unawain at tulungan na makawala sa kanilang masamang bisyo. Sa layuning ito, isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 428 na, kung maisasabatas, magtatayo ng drug abuse treatment and rehabilitation center sa bawat lalawigan sa buong bansa sa ilalim ng pamamahala ng Department of Health.
Pangangalagaan dito ang mga drug dependent at tutulungan silang muling lumakas ang kakayahang pisikal at sikolohikal, at kung paano humarap sa anumang problemang panlipunan. Kapag natapos ang kanilang rehabilitasyon, patuloy pa rin silang aalalayan ng rehabilitation center hanggang tuluyan silang maging malusog, makabalik sa kanilang pamilya at maging kapaki-pakinabang na bahaging muli ng ating lipunan.
Isa pang approach na ating ginagawa para makaiwas ang mga kababayan natin sa droga, lalo na ang kabataan, ay ang ibaling ang kanilang atensyon sa sports. Sa ganitong paraan, natuturuan ang kabataan ng disiplina at iba pang katangian ng isang produktibong mamamayan upang sila ay umasenso sa buhay.
Isinumite rin natin ang Senate Bill 423 o ang panukalang "Philippine National Games Act of 2022". Layunin nitong magkaroon ng ugnayan ang grassroots sports promotion sa national sports development para ang lahat ng mga Pilipinong kabataan na may potensyal sa iba’t ibang larangan ng palakasan ay mabigyan ng pantay na oportunidad na makasali sa mga international sporting events para maipamalas ang kanilang kakayahan. Sasanayin natin sila para maging miyembro ng ating mga pambansang koponan. Naniniwala tayong ito ang magiging daan para kilalaning muli ang Pilipinas bilang “Sports Powerhouse of Asia.”
Kaya walang tigil din ang ating suporta sa lahat ng atletang Pilipino na magandang ehemplo sa ating kabataan. Ang tagumpay ng ating mga atleta ay tagumpay din ng buong sambayanang Pilipino.
Nitong Setyembre 20 ay nag-co-sponsor tayo sa Senado ng Adopted Resolution No. 18—na isa rin tayo sa may-akda—bilang pagbati at pagkilala sa ating pole vaulter na isa sa pinakamahusay sa buong mundo—si EJ Obiena. Sunud-sunod ang kanyang panalo at karangalang iniuwi sa ating bansa ngayong taon kaya nararapat lang ang ganitong rekognisyon para sa kanya.
Naging bisita rin po natin sa Senado ang Siklab Pilipinas, ang ating Philippine netball team, na nagtapos sa ikalimang puwesto sa nakaraang Asian Netball Championships sa Singapore at nag-kampeon sa Plate Category. Pinasalamatan natin sila sa kanilang magandang ipinakita, at suportado natin ang kanilang paglahok sa mga susunod na kompetisyon.
Ang patuloy na tagumpay ng ating mga atletang Pilipino ay nagsisilbing inspirasyon sa kabataan na sundan ang kanilang mga yapak. Kaya umaasa tayong sa pamamagitan ng grassroot sports development at sa ating patuloy na suporta, mas marami pa tayong matutuklasang talento para sa iba’t ibang disiplina — hindi lang sa mga sikat na laro tulad ng basketball kundi sa ibang larangan na puwedeng pasukin ng kabataan.
Ang masiglang sports program ay nagbibigay ng oportunidad sa mamamayan na maipakita ang kanilang husay at galing. Mayroon din silang napaglilibangan para makaiwas sa kaway ng droga at iba pang masasamang bisyo. Kapag nagsasagawa tayo ng relief efforts sa mga komunidad, palagi nating sinasabi na “get into sports and stay away from drugs”. Namimigay tayo ng mga bola tuwing nag-iikot ako. 'Yan ang paraan natin para mailayo ang kabataan sa ilegal na droga.
Umaasa tayong sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay patuloy na sisigla ang ating mga programang pampalakasan para maging malakas din ang ating kampanya laban sa droga at tuluyan nating makamit ang ligtas at komportableng buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios