top of page
Search
BULGAR

Spokesman ni Robredo kay Atienza: Siguraduhin mong tama ang mga sinasabi mo vs VP Leni

ni Jasmin Joy Evangelista | October 4, 2021



May paalala ang spokesman ni Vice President Leni Robredo kay Buhay party-list Representative Lito Atienza hinggil sa mga pahayag nito ukol kay VP Leni.


Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, kailangang maging maingat ni Atienza sa mga ipinupukol nito kay Robredo lalo ngayong papalapit na ang eleksiyon.


Ipinahayag ito ni Gutierrez matapos umanong magtanong ni Atienza kung may nagawa ba si VP Leni sa kanyang termino.


Si Lito Atienza ay tatakbong vice president sa darating na eleksiyon kasama si Sen. Manny Pacquiao bilang presidente.


Sagot naman ni Gutierrez, sa kabila ng maliit na pondo ng Office of the Vice President, nagawa pa rin ni VP Leni ang iba't ibang programa at proyekto kung saan ipino-post ang mga ito sa kanilang mga official Facebook page at ibinabahagi sa media.


Kabilang umano sa mga nagawa ni Robredo at ng kanyang grupo ay ang pagpapamahagi ng personal protective equipment sa mga ospital, libreng sakay, vaccine express, at Swab cab na nagpo-provide ng mobile testing at vaccination.


"Napakadaming troll diyan, daming anonymous account, na sinasabi na walang ginawa si VP Leni pero sa katotohanan isa si VP Leni sa pinakamaraming ginawa sa lahat ng bise presidente sa bansa, kahit wala siyang Cabinet position," ani Gutierrez.


Sinabi rin ni Gutierrez na kailangang maging maingat ni Atienza sa kanyang mga sinasabi lalo na at tatakbo ito sa mataas na posisyon.


"Alam naman natin hindi aktwal na impormasyon o tamang datos kundi paninira, e haka-haka na mali naman ang batayan so sana mag-ingat din lalo na kung ikaw ay tatakbo, gusto mong tumayo bilang kandidato para sa mataas na pwesto, diba unang responsibilidad mo tiyakin mo muna kung sinasabi mo ay tama," dagdag niya.


Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ni Atienza hinggil sa isyu.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page