ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 10, 2020
Tahimik na pinupuntirya ni Pinoy Grandmaster Wesley So na patunayang hindi tsamba ang mga nakaraan niyang tagumpay kontra kay GM Hikaru “Speedchess Monster” Nakamura habang resbak naman ang saloobin ng huli sa paghaharap nila ngayong Huwebes sa semifinals ng iwas-pandemyang online 2020 Speed Chess Championships (SCC).
Grudge match na naituturing ang muling pagkikita ng dalawang élite online chessers. Noong 2018 at 2019 na mga edisyon ng SCC, hinirang na kampeon si Nakamura at ginawa niyang tuntuntungan paakyat sa trono sa mga pagkakataong iyon si So nang daigin niya sa finals ang tubong Cavite na karibal. “It’s payback time - so I’m going to be out for blood! I will say that much,” pahayag ni Nakamura.
Pero ngayong 2020, solido ang mga sulong ng 27-anyos na si So. Sa katatapos na Champions Chess Tour - Skilling Open, na nilalahukan ng 16 na pili at malulupit na chessers, naungusan ni So sa semis si Nakamura bago nasingitan sa finals para sa korona si Norwegian GM at world chess king Magnus Carlsen. Kasama rin sa gitgitang tagumpay ni So bago nakuha ang Skilling title ay ang pangingibabaw niya laban kay GM Teimour Radjabov ng Azerbaijan.
Kamakailan din ay ipinatong sa ulo ni So ang korona ng prestihiyosong US Chess Championship na ginanap din Online sa unang pagkakataon. Ito na ang pangalawang beses na naging US chess champion ang dating hari ng ahedres sa Pilipinas. Taong 2017 nang una siyang magkampeon sa US. Samantala, sa 2020 Saint Louis Rapid and Blitz Tournament naman, isang bakbakan sa larangan ng rapid chess at blitz chess, idineklara sila ni Carlsen bilang co-champions matapos silang makaipon ng 24 puntos.
Comments