ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 20, 2023
Sa kabila ng patuloy na pagsisikap ng ating pamahalaan na mapaganda ang paghahatid ng serbisyong medikal sa ating mga kababayan, kung ikukumpara sa ating malaking populasyon, nananatiling limitado ang bilang ng mga pasyenteng nakakapagpagamot sa specialty hospitals na karamihan ay nasa Metro Manila, gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center.
Nagkakaloob ang mga ito ng abot-kayang healthcare at sapat na kagamitan, karanasan, teknolohiya, at expertise. Sila rin ang madalas puntahan ng mga medical practitioner.
Karamihan sa ating mga kababayan na may malubhang sakit mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ay gustong magpagamot sa mga specialty hospitals sa Maynila. Pero hindi naman ganu’n kadali ‘yun dahil kailangan pa nilang mamasahe at problema rin kung saan sila tutuloy habang nasa Maynila, kung saan mataas ang presyo ng mga bilihin kumpara sa probinsya. Dagdag-pasanin pa ito para sa kanila. Madalas, ang nauuna pa nilang maging problema ay kung saan kukunin ang panggastos kaya hindi na lang nagpapagamot at namamatay ang iba nang hindi man lang nakapagpatingin sa espesyalista.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health at isa sa mga author, inisponsoran ko sa Senado noong Mayo 17, ang Senate Bill No. 2212 na naglalayon na magtatag ng regional specialty centers sa buong bansa. Si Senate President Migz Zubiri naman ang principal author ng panukalang ito.
Sa aking sponsorship speech, binigyang-diin ko na kailangang maging mas available ang specialized medical services sa ating mga kababayan na nasa probinsya. Hindi dapat mahirapan ang ating mga kababayan na maka-access sa serbisyo ng gobyerno, lalo na pagdating sa usaping pangkalusugan. Ang gobyerno ang dapat maglapit ng serbisyo sa mga tao. Ito rin ang dahilan kung bakit ko isinulong ang mga Malasakit Centers at patuloy na sinusuportahan ang pagtatayo ng mga Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mailapit natin sa mga tao ang serbisyong pangkalusugan na kailangan nila.
Kaugnay din ito ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address na malaki ang pakinabang natin sa mga specialty hospitals, kaya hindi lang dapat sa National Capital Region, kundi maging sa ibang parte ng bansa ay kailangang magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan. Kabilang ito sa legislative agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023 - 2028 na nilagdaan ng Pangulo.
Sang-ayon ako sa sinabi ng Pangulo dahil hindi lang naman sa Metro Manila mayroong may sakit sa puso o baga. Sa pag-iikot ko sa buong bansa, napakaraming lumalapit sa akin, hindi lang para magpagamot, may iba na ang hinihingi ay pamasahe para lang bumiyahe sa Maynila dahil nandito ang mga specialty hospitals na kayang gumamot sa kanila. Para sa mga kababayan nating hindi maabot ang serbisyo ng mga specialty hospitals na nasa Maynila pa, magkakaroon ng specialty centers sa mga existing regional hospitals na malapit sa kanila sa pamamagitan ng panukalang ito.
Sa labas naman ng ating mga gawain sa Senado, patuloy din tayo sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad, partikular ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan bilang bahagi ng ating layunin na mas mapalakas ang ating healthcare system at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino.
Kahapon, Mayo 19, ay nasa Jordan, Guimaras tayo para daluhan ang Manggahan Festival at volleyball tournament sa lugar. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital. Inilunsad ito noong Hulyo 30, 2020, at tulad ng ibang Malasakit Center, tinitiyak natin na naipagpapatuloy nito ang pagtulong sa mga pasyente, lalo na ang mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Nag-abot din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners, habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay may hiwalay na tulong para sa mga pasyente.
Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Buenavista, Guimaras. Layunin ng SHC na ilapit ang mga basic medical services ng gobyerno sa tao, lalo na ang mga nakatira sa liblib na lugar.
Habang nasa Guimaras, nag-inspeksyon din tayo sa itinayong seawall, na ating sinuportahang mapondohan noon. Nag-inspeksyon din tayo sa itinayong Buenavista Wharf, na sinaksihan pa natin ang groundbreaking noong November 5, 2018. Naghatid din tayo ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente ng Buenavista.
Dumalo naman tayo noong Mayo 18 sa ginanap na Sarakat Festival sa Santa Praxedes, Cagayan.
Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng itinayong Santa Praxedes Super Health Center.
Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa 1,500 mahihirap na residente sa lugar.
Nagpapasalamat naman tayo kay Mayor Esterlina Aguinaldo at sa buong bayan ng Santa Praxedes na sa pamamagitan ng isang resolusyon na ipinasa noong Mayo 8, 2023, kinilala tayo bilang adopted son ng bayan nila dahil sa ating patuloy na serbisyo mula noon hanggang ngayon.
Isang malaking karangalan na ituring na isang anak ng Santa Praxedes.
Pumunta rin tayo sa Lal-Lo, Cagayan sa araw na ‘yun at sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Lal-lo Super Health Center. Nagkaloob din tayo ng ayuda sa 1,500 mahihirap na residente sa lugar.
Hindi rin tumitigil ang aking relief team sa pag-alalay sa ating mga kababayan sa buong Pilipinas na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap nating natulungan ang anim na residenteng nasunugan sa Angeles City, Pampanga. Tumulong din tayo sa isinagawang medical and dental mission sa Belison, Antique para sa 255 benepisyaryo. Pinagaan din natin ang dalahin ng mahihirap na residente mula sa iba’t ibang sektor gaya ng 1,735 sa Lagonglong, 50 sa Libertad, 50 sa Salay sa Misamis Oriental; 770 sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur; 419 sa Laurel, Batangas; at 153 sa Carmen, Las Nieves, Butuan City, at Nasipit sa Agusan del Norte.
Bilang lingkod-bayan, huwag kayong magpasalamat sa amin dahil ginagampanan lang namin ang aming tungkulin. Ibinabalik ko lang ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin sa pamamagitan ng mabilis, maayos, maaasahan at madaling malalapitan na serbisyong may pagmamalasakit sa inyong pangangailangan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments