ni Anthony E. Servinio @Sports | August 22, 2023
Kinoronahan ang Espanya bilang mga bagong reyna ng 2023 FIFA Women’s World Cup matapos ang 1-0 tagumpay kontra Inglatera Linggo ng gabi sa harap ng mahigit 75,000 tagahanga sa Stadium Australia sa Sydney. Magkahalong emosyon ang naranasan ni midfielder Olga Carmona na naghatid ng nagpapanalo at nag-iisang goal sa ika-29 minuto.
Sa gitna ng selebrasyon ay tumanggap ng balita ang 23-anyos na si Carmona na pumanaw na ang kanyang ama matapos ang matagal na pagbuno sa karamdaman.
Inilihim ito sa kanya ng dalawang araw ng kanyang pamilya upang hindi masira ang paghahanda para sa kampeonato.
Ito ang pangalawang goal ni Carmona sa torneo kasunod ang isa sa 2-1 panalo nila sa Sweden sa semis. Tinalo ng Inglatera ang co-host Australia, 3-1, sa kabilang semis.
Iginawad kay Aitana Bonmati ng Espanya ang Golden Ball o Most Valuable Player habang FIFA Young Player ang kakamping si Salma Paralluelo at kahit nabigo, napunta pa rin kay Mary Earps ng Inglatera ang Golden Glove o Best Goalkeeper. Nag-uwi ng dalawang karangalan ang Japan kay Hinata Miyazawa na Golden Boot o pinakamaraming goal na lima at ang buong koponan para sa Fair Play.
Sa pormal na pagsara ng torneo, nagtapos ang Pilipinas ng ika-24 sa 32 bansa. Ang Filipinas ay pang-apat sa Asya sa likod ng #4 Australia, #5 Japan at #23 Tsina at lamang sa #28 Timog Korea at #32 Vietnam.
Sa Mayo, 2024 pa malalaman kung anong bansa o mga bansa ang punong abala para sa 2027 World Cup. Tututok muna ng pansin ang Pilipinas sa Hangzhou Asian Games sa susunod na buwan at Paris 2024 Olympics Qualifiers sa Oktubre.
Samantala, patuloy ang aksiyon sa PFF Women’s League noong Sabado sa PFF National Training Centre sa Carmona, Cavite kung saan ginulat ng Tuloy FC ang defending champion De La Salle University, 6-2, at sinundan ng 9-0 tambak ng Far Eastern University sa Stallion Laguna. Ipinaliban ang mga laro noong Linggo upang makapanood ang lahat ng laro ng Espanya at Inglatera.
Yorumlar