top of page
Search
BULGAR

Soy sauce, miso at tofu, nakakapatay ng prostate cancer cells

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Marso 18, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay 45 years old, arkitekto at may pamilya. Recently ay nagpakonsulta ako sa isang urologist dahil sa problema ko sa pag-ihi. Matapos ang mga diagnostic examinations ay sinabi sa‘kin na lumalaki ang aking prostate kaya bumabagal na ang aking pag-ihi. Ako ay niresetahan ng gamot at regular ko itong iniinom. Effective naman kaya maganda ang pagdaloy ng aking ihi.


Ngunit ako ay nag-aalala dahil may family history ako ng sakit sa prostate. Ang aking ama ay namatay noon sa prostate cancer. Gusto ko sana na makaiwas sa sakit na ito.


Mayroon bang mga natural na pamamaraan upang makaiwas o kaya ay mapababa ang aking risk na magkaroon ng prostate cancer? Halimbawa, may mga pagkain ba or supplement na maaaring inumin na makakatulong magpababa ng risk sa prostate cancer? Sana ay masagot n’yo ang aking mga katanungan. -- Mariano


Maraming salamat Mariano sa iyong pagliham at pagtangkilik sa Sabi ni Doc column at sa BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan, ayon sa mga research ng mga dalubhasa.


May mga kadahilanan kung bakit nabubuo ang isang sakit katulad ng cancer. Ang paglaki at pagkalat ng cancer sa ating katawan ay may mga rason din. Isa sa mga kadahilanan ng mabilis na paglaki at pagkalat ng cancer ay ang “angiogenesis” o ang pagtubo ng mga blood vessels na nagsu-supply ng dugo at nutrients sa mga cancer cells. Dahil sa mga nutrients na dala ng mga blood vessels na ito, mabilis dumarami ang mga cancer cells, lumalaki at lumalaganap ang cancer sa ibang bahagi ng katawan.


May mga pagkain na may anti-angiogenic properties. Ang ibig sabihin ng “anti-angiogenic” ay nilalabanan nito ang pagtubo ng mga blood vessels na susuporta sa paglaki at paglaganap ng cancer.


Sa isang systematic review at meta-analysis study kung saan sinaliksik ng mga dalubhasa ang epekto ng pagkain ng mga produkto galing sa soy beans (katulad ng tofu, miso, natto, tempeh at soy sauce) ay nakita nila ang pagbaba ng risk sa iba’t ibang cancer, kasama rito ang prostate cancer. Ang resulta ng pag-aaral na ito ay nailathala sa scientific journal na Nutrients noong 2018.


Ayon sa mga dalubhasa ang soy beans ay may mga sangkap na anti-angiogenic bioactives na tinatawag na mga “isoflavones” katulad ng genistein, equol, daidzein at glyceollins. Marami nito ang mga fermented soy beans. Halimbawa nito ay ang soy sauce, miso at tofu. Ang dietary supplement na gawa sa genistein at daidzein na tinatawag na “genistein concentrated polysaccharide” o GCP ay napatunayan sa mga pag-aaral na nakakapatay ng prostate cancer cells.


Isa pang pagkain na may mahusay na anti-angiogenic properties ay ang tomato o kamatis. Matagal ng nadiskubre ng mga scientist na may sangkap ito na lycopene, rutin at beta-cryptoxanthin. Pinakaimportante rito ang lycopene, dahil ito ay may potent inhibitory properties laban sa angiogenesis. Tandaan natin na mas marami ang lycopene ang balat ng kamatis kaysa sa laman ng kamatis. Mas madali ring ma-absorb ng ating katawan ang lycopene kung ang kamatis, tomato sauce o juice ay niluto. Dahil fat soluble ang lycopene, mas marami ang ma-absorb na lycopene ng ating katawan kung lulutuin ang kamatis sa olive oil.


Ayon sa Harvard Health Professionals Follow Up Study, kung saan pinag-aralan ang mahigit sa 46,000 na mga lalaki, ang mga kalalakihan na kumokonsumo ng 2 hanggang 3 cups ng tomato sauce sa isang linggo ay bumaba ng 30 porsyento ang risk na magkaroon ng prostate cancer. Nailathala ang pag-aaral na ito sa American Journal of Clinical Nutrition noong 2016.


Sa maraming pag-aaral na isinagawa ng mga tanyag na unibersidad katulad ng University of Chicago, Harvard University at University of Minnesota, ang pagkain ng gulay na broccoli ay nagpapababa ng 59 porsyento ng risk na magkaroon ng prostate cancer. Napababa rin ng broccoli ang risk na magkaroon ng ibang uri ng cancer katulad ng lung cancer, breast cancer at ovarian cancer. Makikita ang mga pag-aaral na ito sa mga scientific journals na Cancer Research (1993), International Journal of Cancer (2007, 2009, 2012) at sa Cancer Epidemiology, Biomarkers, and Prevention (2004).


Nadiskubre naman ng mga scientist sa Hiroshima University sa bansang Japan na ang Vitamin K2 ay may anti-angiogenic properties. Ayon sa mga researcher ng University of Illinois ay pinipigilan nito ang paglaki at paglaganap ng prostate cancer. Mayaman sa Vitamin K2 ang Natto, Kefir, egg yolk, sauerkraut at chicken liver. Mababasa ang mga research studies na ito sa mga scientific journal na Cancer Letters (2009) at sa Evidence-Based Complementary and Alternative Medicine (2013). 


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at sa pamamagitan ng mga research studies ng mga dalubhasa ay magabayan ka sa iyong mga nararapat na kainin upang makatulong na  mapababa ang risk sa sakit na prostate cancer.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. 


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page