ni Lolet Abania | December 11, 2020
Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ginawang pagtulong ng South Korea sa Pilipinas lalo na sa paglaban sa COVID-19, ayon sa Malacañang.
Sa naganap na pulong kay outgoing South Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-man kahapon, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang nasabing bansa dahil sa suporta nito na tinawag niyang “timely emergency and humanitarian assistance” tulad ng pagbibigay-donasyon ng face masks at iba pang personal protective equipment, mga gamot, test kits at bigas.
“The President also acknowledged ROK’s [Republic of Korea] assistance in the repatriation of 2,137 Filipinos from Korea,” ayon sa statement ng Malacañang.
Samantala, sinasabing ang South Korea ay may mababang record ng COVID-19 infections kumpara sa ibang mga bansa dahil sa mahigpit nilang pagpapatupad ng testing at contact tracing at ang mandatory quarantine para sa lahat ng inbound travelers.
Tulad din sa bansa, ang South Korea ay nagsasagawa ng restrictions sa mga social gatherings at curfews upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Labis din ang pasasalamat ni Pangulong Duterte sa South Korea para sa pagsuporta nito sa Pilipinas sa mga infrastructure drive, pagtulong sa ekonomiya, at pagpapatatag ng kooperasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng depensa, seguridad at ang maritime domain awareness.
Sa naganap na farewell call, pinagkalooban ni Pangulong Duterte ng Order of Sikatuna si Ambassador Han para sa kanyang ‘natatanging diplomatikong paglilingkod’. Nagsimula ang tour of duty ni Han sa bansa noong January 2018.
Comments