ni Mai Ancheta @News | August 27, 2023
Nakaranas ng malakas na pagyanig ang mga mamamayan ng South Cotabato na umabot sa magnitude 5 na lindol nitong Sabado ng madaling-araw.
Batay sa report ng Phivolcs, naitala ang pagyanig na tectonic origin alas-3:13 ng madaling-araw, dalawang kilometro ang layo sa bayan ng Surallah.
Naunang ini-report ng Phivolcs sa lakas na 5.5 magnitude ang lindol subalit kalaunan ay ibinaba ito sa 5.0 magnitude.
Dahil sa lakas ng pagyanig, naramdaman ito sa mga bayan ng Tupi, Banga, Polomolok, General Santos City, Kiamba at Maasim sa Sarangani sa lakas na intensity 4.
Naitala naman sa lakas na intensity 3 ang lindol sa mga bayan ng Alabel, Malungon, Malapatan, at Maitum sa Sarangani.
Wala pang ulat kung nagdulot ng pinsala sa South Cotabato ang malakas na pagyanig.
Nagbabala ang Phivolcs ng posibleng aftershocks sanhi ng malakas na paglindol.
Comments