ni Lolet Abania | June 22, 2022
Sanhi ng mabilis na pagkalat ng African swine fever (ASF), mas hihigpitan ang border security sa mga bayan ng Banga at Surallah ng provincial government ng South Cotabato.
Ayon kay South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr., nagdeklara na ang Bureau of Quarantine at Department of Agriculture (DA) Region 12 ng “red zone” status sa South Cotabato, kung saan aniya, magpapatupad ng ‘restriksyon sa pagpapalabas ng mga baboy’ sa ilang lugar, kabilang na rito ang Banga at Surallah.
Hinimok naman ni Tamayo ang mga residente na agad na i-report ang posibleng insidente ng ASF upang hindi na kumalat pa ang impeksyon sa mga baboy.
“Titiyakin pa natin, kakausapin ang lahat ng mga backyard farmers natin ng baboy at ‘yung mga large farms na kung mayroon silang nakikita ay talagang gagawa ng paraan na ire-report,” saad ni Tamayo.
“Ang problema ay hindi talaga maiiwasan na mayroon talagang nanghihinayang sa kanilang mga baboy at pilit na tinatago, kinakatay at ibinibenta ang mga karne,” pahayag ng gobernador.
Ayon kay Tamayo, maglalaan umano ang provincial government ng pondo mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa kinakailangang gastusin o bayarin ng mga hog growers na naapektuhan ng ASF.
Nababahala naman si Tamayo sa idudulot na epekto ng ASF sa ekonomiya ng lalawigan sakaling hindi pa rin masolusyunan sa mga susunod na buwan.
“Kaya’t kinakailangan ko na magtulungan tayo, ‘wag kayong basta-bastang bumili ng mga baboy na hindi na-check o hindi sa tamang lugar na pinagbibilhan dahil hindi ninyo alam baka kayo ang magdadala ng ASF mismo sa inyong mga palibot,” giit pa ni Tamayo.
Comentarios