ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 18, 2021
Inamin ni Senate President Vicente Sotto III na umiinom siya ng gamot na Ivermectin bilang "prevention" sa COVID-19, isang beses kada 2 linggo.
Aniya sa isang radio interview noong Sabado, "Ako rin, eh. Ako, umiinom ako [ng Ivermectin], eh. Prevention. Once every two weeks.”
Meron din umanong kakilala si Sotto na nagpositibo sa COVID-19 at gumaling matapos uminom ng Ivermectin.
Aniya, "Meron akong kakilala, tinamaan ng COVID, tumira ng tatlong araw ng Ivermectin, pagdating ng pang-apat, panlimang araw, tanggal na lahat ‘yung mga symptoms niya. Naghintay na lang ng 14 days bago nagpa-check ulit, pag-check, negative na.
"Ang dami kong kilala na ganoon.”
Saad pa ni Sotto, "Ang prevention ang pinakamahalaga. ‘Yun ang number one, pangalawa, ‘yung rehabilitation. Tapos, ikokombinasyon mo ‘yung enforcement, at saka ‘yung prosecution."
Nanawagan din si Sotto sa awtoridad na bigyang-atensiyon ang treatment at prevention habang kulang pa ang suplay ng COVID-19 vaccines.
Aniya, "‘Yung prevention, mahalaga rito sa COVID. Sana naman, nakikinig sila sa atin. Palibhasa wala, eh, Senate President lang tayo."
Matatandaang isa rin si dating Pangulong Juan Ponce Enrile sa mga umaming uminom ng Ivermectin.
Saad pa ni Sotto, “Hihiramin ko ‘yung sinabi ni Manong Johnny, ‘Walang pakialam ang FDA (Food and Drug Administration) kung ano ang gusto kong ilagay sa katawan ko.’”
Samantala, una nang nagbabala ang mga eksperto sa pag-inom ng Ivermectin laban sa COVID-19 dahil sa kakulangan nito ng ebidensiya na nakagagamot laban sa Coronavirus.
Ang World Health Organization, US FDA, European Medicine Agency, at maging ang manufacturer nitong Merck ay nagsasabing mayroong kakulangan sa datos sa efficacy ng Ivermectin laban sa COVID-19.
Yorumlar