ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 04, 2021
Unti-unti nang naiibsan ang pangambang dati-rati ay nararamdaman ng marami sa ating mga kababayan dahil sa paulit-ulit na pagbaba at pagtaas ng kaso ng COVID-19 na kumitil na ng maraming buhay sa panahong ito ng pandemya.
Ito ay matapos na ihayag ng Inter-Agency Task Force for the management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ang Pilipinas umano ay nangunguna na sa kasalukuyan kumpara sa limang naglalakihang Asean countries.
Ibinase ito sa throughput per capita na nag-a-average ng 150,000 jabs sa isinasagawang araw-araw na pagbabakuna, ibig sabihin nito ay ang ating mga health workers ang pinakamabilis na magturok ng bakuna sa ating mga kababayan.
Lumalabas na nitong Mayo 28 ay naabot na natin ang halos limang milyong Pilipino na nabakunahan mula nang magsimula tayong magturok ng iba’t ibang brand ng bakuna na nagdatingan sa ating bansa.
Malaking bagay ang nakikitang mabilis na paggalaw ng ating pamahalaan para agad na matugunan ang kinasasadlakan nating sitwasyon dahil muling nabuhayan ang bawat Pilipino na dati-rati ay halos mawalan na ng pag-asa na makaahon pa sa pandemyang ito.
Nakatutuwang makita na kahit hindi sobra-sobra ang dating ng mga bakuna sa ating bansa ay ramdam ng ating mga kababayan ang pagsisikap ng pamahalaan na lahat ng ating mga kababayan ay mabigyan ng proteksiyon laban sa COVID-19.
Ngayong buwang ito ay nasa sampung milyong bakuna mula sa iba’t ibang manufacturer ang inaasahan nating darating sa ating bansa at bultu-bultong bakuna pa ang paparating na inaasahan din natin sa mga susunod na buwan.
Dahil dito ay unti-unti nang nakikita ang liwanag na matagal na nating inaasam sa oras na tuluyan nang magbukas ang ating ekonomiya at magbalik na sa trabaho ang marami sa ating mga kababayan na nabigyan na ng bakuna.
Kasabay nito ay naglaan ang Department of Science and Technology (DOST) ng 133 milyon upang masusing pag-aralan kung magiging epektibo ba ang pagtuturok ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine sa tao.
Ibig sabihin, ibang brand sa unang turok at ibang brand na naman sa ikalawang turok upang matiyak ang kaligtasan at immunogenicity ng magkahalong bakuna na magkaiba ang brand at magsisimula na ang pag-aaral ng mga eksperto ngayong Hunyo hanggang Nobyembre sa taong 2022.
At kaya ngayon pa lamang ay pinag-aaralan na natin ang pagsasama ng magkaibang brand ng bakuna dahil hindi matiyak na pagdating ng partikular na brand ng bakuna sa ating bansa na mas mabuti na nga namang paghandaan ngayon pa lamang.
Pero siyempre, ipinagdarasal natin na sana ay wala namang maging aberya o shortage sa supply ng mga bakuna para tuluy-tuloy ang pagbibigay natin ng proteksiyon sa ating mga kababayan.
Kaya paulit-ulit ang paalala ng ating pamahalaan na dapat huwag nang magdalawang-isip ang mga kababayan nating hanggang ngayon ay hindi makapagdesisyon kung magpapabakuna ba o hindi.
Alalahanin nating hangga’t hindi nagiging malinaw sa marami nating kababayan na ayaw magpabakuna ang kahalagahan nito ay hindi natin makakamit ang hinahangad na herd immunity na ang kaakibat nito ay pagbubukas na ng ating ekonomiya.
Hati kasi ang pagtrato natin sa ating mga kababayan na ayaw magpabakuna dahil nananatiling hindi dapat pilitin ang desisyon ng pamahalaan sa mga ayaw magpaturok dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Pero walang tigil ang kampanya ng Department of Health (DOH) hinggil sa kahalagahan ng bakuna upang maengganyo at maliwanagan ang ating mga kababayan na ang bakuna ang tanging solusyon para makabalik tayo sa dati nating pamumuhay.
Kapag pinilit ng pamahalaan na magpabakuna ang lahat upang makasiguro tayo na makamit natin ang herd immunity ay tiyak na uulanin naman tayo batikos at kapag minalas-malas ay baka mahaluan pa ng pulitika na mas makapagpalala pa sa sitwasyon.
Hindi tulad ng mga atleta at coaches na nakatakdang nating ilaban sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ngayong taon ay inobligang magpabakuna dahil kung hindi ay hindi papayagang lumahok sa makasaysayang palaro.
Ang kautusan ay nagmula mismo sa SEA Games Federation na dinaluhan ng ating Philippine Olympic Committee representative at wala tayong magawa kung hindi ang sumunod dahil naiintindihan ng lahat na ito ang tama at ligtas gawin.
Kaya binigyang prayoridad ang mga atleta na mabakunahan sa tulong na rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) dahil sa patakarang ‘no vaccine, no play’ policy.
Sana ganito na lang sitwasyon ng ating bansa para makasiguro tayo na lahat ay mabakunahan at mailigtas sa nakamamatay na COVID-19 ang mga ayaw magpabakuna nating kababayan, kaso masyadong spoiled ang mga Pinoy.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios