top of page
Search
BULGAR

Solusyon sa pagbaha, 'wag babagal-bagal

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | AUgust 2, 2024


Asintado ni Judith Sto. Domingo

Muling tumambad sa atin ang kaawa-awang kalagayan ng mga mahihirap na kababayang labis na naapektuhan ng nakaraang malawakang pagbaha sa pagbisita natin sa mga tanggapan ng pamahalaang magkakatabi sa isang palapag ng isang mall diyan sa Bonifacio Global City o BGC kamakailan. 


Napakahaba ng pila ng mga nag-aaplay ng calamity loan sa tanggapan ng Social Security System (SSS) na tila may pa-raffle na inaabangan sa gitna ng hindi pangkaraniwang dagsa ng mga miyembro. Pati pila sa katabing photocopying center kung saan ipinapa-photocopy ang mga kinakailangang isumiteng dokumento ay napakahaba rin na tila may ipinamimigay na ayuda. 


Aba’y harang rin ang presyo ng nasabing photocopying center para sa bawat pahina, na tila na-hostage ang mga kailangang magpa-photocopy ng papeles na mga nangungutang na miyembro ng SSS. Kapos na nga sa pera at kailangang mangutang ng may interes kahit sabihin pang maliit lamang ito, ay pinagsasamantalahan pa ng iba sa samu’t saring paraan.


Samantalang hindi malaman ng mga nasalanta nating kababayan kung paano unti-unting makababangon sa hagupit ng delubyo, hindi pa rin matiyak ng gobyerno kahit sa paglipas ng maraming taon kung paano masosolusyunan ang malawakang mga pagbaha na parang kailangan na lamang patuloy na pagdusahan ng taumbayan. Huwag naman. 


Mapalad ang mga nasa BGC kung saan walang pagbaha, samantalang halos karamihan ay nakaranas magutom, mawalan ng kuryente, walang magamit na palikuran sa gitna ng mga pagbaha. Puwede namang hindi magbaha kung may tamang pagpaplano ang isang lugar tulad ng BGC na inihanda ito para maiwasan ang ganitong sasapitin. 


Kung tutuusin, maraming maaaring agarang maisagawa para maibsan ang pagbaha sa gitna ng banta ng tuluy-tuloy na pag-ulan. Maraming taon na rin ang nakalipas nang bahain kami nang husto riyan sa Maynila sa San Andres Bukid. Sa paghupa ng baha ay nagpadala ng truck ang Manila City Hall na humigop ng mga nanigas nang maitim na putik na tila mga bato na sa tigas. Ngayon, bumaha man doon, ay hanggang talampakan na lang ang taas at hindi na gaya ng dati kahit paano. 


Kaya kung talagang gugustuhin ng nasyonal at lokal na pamahalaan ay puwede namang may magawa na kaysa puro diskusyon o press statement at imbestigasyon, samantalang aksyon ang dapat unahin. Hay, ang buhay Pinoy nga naman, sino bang hindi masusulasok. 


Naalala ko tuloy ang sinabi ng aking kaibigang pinili na lamang magtrabaho sa ibang bansa. Noong panahong napapagod at nagsasawa na siya sa kanyang trabaho sa Singapore ay sinubukan niyang bumalik ng Pilipinas. Sa kanyang pagbalik ay tumambad sa kanya ang kasalaulaan ng paligid, ang pagbaha, ang mabigat na trapiko, kaya’t muli siyang nagising at piniling bumalik sa Singapore hanggang malipat siya sa New York dahil sa kanyang taglay na galing na ang pundasyon ay pinagtibay naman dito sa Pilipinas. 


Kaysa pagpapapogi na gasgas na para diumano ay ibsan ang pagbaha, aba’y diretso na sa totoo at sinserong pagkilos kahit walang pagpapasikat sa media na makakarating din naman sa kanila at ibabandera nila kapag may pagbabagong nakita. 


Hindi dapat muling anurin na lamang ng pagpapatumpik-tumpik at kabagalan ng gobyerno ang pangarap ng taumbayan na magtamasa ng maayos na buhay sa sariling bayan.  


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page