ni Ryan Sison - @Boses | September 02, 2021
Sa dami ng dinarapuan ng Delta variant, na dahilan din ng malaking pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19, sinabi ng World Health Organization (WHO) na Delta variant na ang dominant variant sa bansa.
Ayon kay WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyansinghe, higit 70% ng samples na isinailalim sa pinakahuling sequencing ang nagpositibo sa naturang variant.
Dagdag pa ng opisyal, sa ganitong uri ng transmission, masasabing mayroon nang community transmission o pagkalat sa mga komunidad ng Delta variant, bagay na hindi na umano nakagugulat sa karanasan ng Pilipinas.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Dr. Rontgene Solanta, infectious disease specialist, na posibleng kalat na ang Delta variant sa bansa dahil na rin sa nakikitang hawaan ng COVID-19 sa mga magkakapamilya o magkakasama sa bahay.
Samantala, kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na tukoy na ang Delta variant sa lahat ng rehiyon sa bansa, maliban na lamang sa BARMM. Habang ang pinakamaraming kaso nito ay naitala sa Region IV-A, III at National Capital Region (NCR).
Tulad ng nabanggit, hindi na ito nakagugulat kung magkaroon ng mas maraming hawaan ng Delta variant sa bansa.
Sa dami ba naman ng pasaway nating kababayan, talagang hindi maiiwasan ang hawaan.
Isa pa, punuan na rin ang maraming quarantine facilities, kaya ang ending, nagho-home quarantine na lang ang ibang nagpopositibo sa sakit at ang masaklap, sa bahay nangyayari ang hawaan.
Ngayong kumpirmado nang Delta variant ang naging dominante sa bansa — ang tanong, paano natin ito lalabanan?
Nandoon na tayo sa mas nakahahawa ang variant na ito at ‘ika nga, nariyan na ang virus at wala na tayong magagawa kundi mamuhay nang kasama ito kaya ano nang solusyon, lockdown na naman ba?
Pakiusap sa mga kinauukulan, isip-isip pa more ng mga paraan upang mapigilan ang mas nakahahawang variant na ito. Hindi na ubra ang puro lockdown, kaya plis lang, galaw-galaw.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments