ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 12, 2020
Dear Doc. Shane,
Napansin ko na nagkakaroon ako ng parang mapupulang patse-patse sa aking singit na mas kumakati kapag pinagpapawisan o masyadong mainit ang panahon. Nilalagyan ko ito ng pulbos pero makati pa rin. Ano ba ang puwedeng igamot para hindi na ito kumalat pa? – Armand
Sagot
Ang buni o ringworm ay sakit sa balat tulad ng an-an, na dulot ng fungal infection at maaari itong matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula ulo hanggang mga paa.
Sa mga paa, ito’y tinatawag na alipunga o Athlete’s foot. Sa singit naman, ito’y tinatawag na Jock itch.
Ang buni ay karaniwang sa mga matatanda. Ang mga hayop tulad ng aso’t pusa ay maaari ring magkaroon ng buni.
Ano ang mga sintomas ng buni?
Mga bilog na patse sa balat (round skin patches), na kulay pula at mas matingkad ang kulay sa palibot, bahagyang nakaangat sa balat—ganito ang tipikal na hitsura ng buni. Ito’y maaari ring maging makati at masarap kamutin, lalo na kung nasa singit kung saan ito’y tinatawag na Jock itch.
Tulad ng an-an, ang gamot dito ay fungal cream—na maaaring mabili ng “over-the-counter” o hindi nangangailangan ng reseta ng doktor. Ngunit mas maganda kung magagabayan pa rin ng dermatologist ang iyong paggagamot.
Paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng buni:
Panatilihing malinis ang katawan
Palaging maghugas ng mga kamay
Regular na palitan ang mga tuwalya, kumot at sapin sa kama
Iwasang maghiraman ng damit
Iwasang humawak sa mga aso na tila nakakalbo ang mga balahibo
Comments