ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 26, 2021
Sa gitna ng pandemya, napapaisip tayo, may katapusan pa kaya ang ganitong delubyo?
Magkahalong lungkot at pangamba ang nararamdaman natin sa ngayon para sa ating bayan, dahil halos lahat ng kapitbahay nating bansa ay umuusad na at unti-unting nagbabalik sa normal pero tayo ay napag-iiwanan na, at ngayon nga tayo ay back to square one!
Hindi naman matatawaran ang pagsisikap ng pamahalaan na mapigil ang pagkontrol sa COVID-19. Kung tutuusin, ang Pilipinas ang may pinakamahabang lockdown, at ngayon nga'y mayroon nang granular lockdown.
Ano pa ba ang kulang? Hindi tayo kumbinsido na pasaway tayong mga Pinoy sa mga health protocols. Aminin man sa hindi, mayroon talagang ilang patakaran na kakatwa sa pagkontrol sa pandemya.
Tulad dati na pagbabawal sa mag-asawa na magka-angkas at kung magka-angkas man ay may barrier, ang PDA sa mga mag-jowa at pinakahuli ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay, na tila maasar o matawa na lang tayo dahil tunay na nakakaloka!
Mahal natin ang bayan, kaya kaliwa't kanang detalye sa nangyayari sa paglaban sa COVID-19 ay ating napapakialaman. Hindi natin matitiis na magmasid na lang dahil tungkulin ng inyong lingkod na magsilbi sa bayan.
Sa araw at gabing ating pag-iisip kung paano malulutas at masasawata ang delubyong ito, IMEEsolusyon talaga sa ating sitwasyon ang paigtingin pa at tutukan ng husto ang mass testing, contact tracing at mass vaccination.
Pakiusap natin, isantabi muna sana ang pulitika, plis lang tayo'y magkaisa kontra sa pandemya. At ngayong nalalapit na Semana Santa, IMEEsolusyon na tunay ang pagdulog sa Maykapal. Tayong lahat ay magnilay-nilay at magdasal!
Comments