top of page
Search
BULGAR

Solomon ng Lady Bulldogs, pinatalsik ang ADU Falcons

ni Gerard Arce @Sports | April 20, 2024




Sinagpang ng National University Lady Bulldogs ang kanilang ika-11 panalo sa bisa ng straight set 25-16, 25-14, 25-18 panalo kontra napatalsik sa kontensyon na Adamson University Lady Falcons sa main game ng 86th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.


Muling umangat ang laro ni opposite spiker Alyssa Solomon sa bisa ng 14 puntos mula sa 12 atake at tig-isang ace at block mula sa 50% attack efficiency tungo sa ika-anim na sunod na panalo ng Jhocson-based lady squad na puntiryang walisin ang kabuuan ng 2nd round sa Miyerkules kontra sa nag-aasam ng twice-to-beat bentahe na Far Eastern University Lady Tamaraws.


Sumegunda sa paluan si dating first Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen na tumapos din ng 14pts mula sa 12 atake at dalawang aces, kasama ang limang digs at dalawang receptions, habang nag-ambag din sina Vange Alinsug sa 9 puntos, Sheena Toring sa 8 puntos at ace playmaker Camila Lamina na may 11 excellent sets.


“Siguro enjoyment every game, siguro noong first round du'n kami nagkulang, siguro 'yung maturity na 'di kami magrelax sa game at all-out kami kahit sino ang kalaban,” wika ng 6-foot opposite spiker sa post-game press conference na todo ang paghahanda na ginagawa maging sa kanilang pagsasanay. “Nag-start sa training kung ano yung na-train mo lalabas sa game, dapat all-out ka na sa training para mailabas sa laro.”


Aminado naman si 2-time UAAP junior’s MVP na si Belen na pursigidong makuha ang kanilang pinaka-layunin ngayong season, higit na ang mapagtagumpayan ang pagnanais na muling magkampeon matapos walisin ng defending champions na De La Salle University Lady Spikers noong 2023.


Walang manlalaro mula sa Adamson ang tumapos ng doble pigura ng lumikha lang si Ayesha Juegos ng 8 puntos mula sa anim na atake at 2 aces at 4 na digs, habang may ambag sina Ishie Lalongisip at Red Bascon na tig-6 na puntos.


Nakatakdang tapusin ng NU Lady Bulldogs ang kampanya sa elimination round kontra FEU Lady Tamaraws na nagawang sandalan si Congolese spiker Faida Bakanke upang suwagin ang ikalimang sunod na panalo laban sa kulelat na UP Lady Maroons sa iskor na 25-20, 27-29, 25-21, 25-21 sa unang laro upang manatiling buhay ang tsansa sa twice-to-beat bentahe, habang makakatapat ng Adamson Lady Falcons ang Ateneo Blue Eagles sa parehong araw sa unang laro.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page