by Info @Editorial | Mar. 27, 2025

Habang ang social media ay nagsisilbing tulay sa mga bagong oportunidad, ito ay nagiging pugad na rin ng mga sindikato na nag-aalok ng pekeng trabaho.
Sa patuloy na pagtaas ng mga online scam, lalong kailangan ang mas malawak na edukasyon at kamalayan hinggil sa mga panganib na dulot ng mga sindikato. Ang modus ng mga sindikato ay kadalasang maingat na nakaplano. Gumagamit sila ng mga social media platforms upang mag-post ng mga anunsyo ng trabaho na mukhang lehitimo at kaakit-akit.
Ang kanilang mga alok ay madalas tumutok sa mga walang karanasan na aplikante na nagnanais makahanap ng trabaho agad-agad. Ang mga pekeng job offer na ito ay kadalasang may mga pangako ng mataas na sahod, flexible na oras, at mga magaan na trabaho. Subalit sa likod ng mga ito, ang tunay na layunin ng sindikato ay manloko.At ang mga biktima ay hindi lamang nawawalan ng pera, kundi pati na rin ng tiwala sa mga tunay na oportunidad.
Ang mga pekeng job offer ay hindi lamang isang simpleng scam, ito ay nagiging isang seryosong banta sa ekonomiya at kaligtasan ng mamamayan.
Upang labanan ang problemang ito, kinakailangang magsagawa ng mas mahigpit na regulasyon at mga aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno at mga online platforms.
Dapat magkaroon ng mas maraming awareness campaign upang magabayan ang mga tao hinggil sa peke at lehitimong trabaho. Gayundin, ang mga aplikante ay kailangang maging mapanuri at mas wais kontra scammer.
Comentarios