top of page
Search
BULGAR

Socmed platforms, simulan nang linisin vs. maling impormasyon sa COVID-19

ni Ryan Sison - @Boses | August 27, 2021



Kaugnay ng patuloy na paglaganap ng maling impormasyon tungkol sa COVID-19, minabuti ng video sharing website na YouTube na tanggalin ang napakaraming videos na naglalaman ng anila’y ‘dangerous coronavirus misinformation’.


Ayon sa website, higit isang milyong videos na naglalaman ng maling impormasyon hinggil sa virus ang kanilang natanggal.


Sa pahayag ng Google, ang hakbang na ito ay dahil sa mga banat ng opisyal ng mga bansa sa kabiguang mapigilan ang pagkalat ng mga mali at nakasasamang impormasyon tungkol sa COVID-19.


Gayundin, ang pag-alis ng mga videos ay base sa opinyon ng mga eksperto mula sa iba’t ibang health organizations, kasama ang US Centers for Disease Control at World Health Organization (WHO).


Minamadali na umano ng Google ang pagtanggal sa mga videos na may maling impormasyon at kasabay nito ang pagbibigay ng tama at angkop na impormasyon tungkol sa COVID-19.


Kung tutuusin, good news ito dahil kung mapipigilan ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa COVID-19, mas malalaman ng tao kung ano ang mga dapat at hindi dapat paniwalaan.


Sa panahon ngayon, napakahalaga at dapat na tamang impormasyon lamang ang maibahagi sa publiko para sa kanilang kaligtasan, gayundin sa kanilang pamilya.


At ngayong ginagawa ng media platforms ang kanilang trabaho upang labanan ang pagkalat ng mga ‘ika nga ay fake news, sana tayo ay ganundin. Kumbaga, dapat responsable rin tayo.


Bago mag-post, tiyakin munang galing sa beripikadong account ang impormasyon. At bago maniwala sa mga kumakalat na balita, alamin kung tunay ito o hindi.


Isa pa, kapag alam nang fake news at hindi naman makatutulong sa sitwasyon, ‘wag nang i-post dahil perhuwisyo lang.


Gayunman, panawagan natin sa mga kinauukulan, sana’y maging mabilis ang aksiyong ito at tuluyang maparusahan ang mga gumagawa at nagpapakalat ng maling impormasyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page