top of page
Search
BULGAR

Socmed ng mga kandidato, ire-regulate para patas at maayos

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 14, 2024



Boses by Ryan Sison

Sa gitna ng mga alegasyon na unconstitutional o labag umano sa ating Konstitusyon, dinepensahan ng Commission on Elections ang desisyon nitong i-regulate ang mga social media accounts ng mga kandidatong tatakbo sa 2025 elections. 


Sa ilalim kasi ng Comelec guidelines, ang mga individual aspirant, partylist groups, political parties, at maging ang kanilang mga campaign staff ay kinakailangang irehistro ang kanilang mga social media account sa Education and Information Department ng poll body.


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia sa isang news forum, ang legal na basehan ng kanilang hakbang ay ang Fair Elections Act.


Ang statement na ito ng opisyal ay kasunod ng mga naging pahayag ng ilan, na nilalabag umano nito ang tinatawag na freedom of expression ng mga kandidato.

Paliwanag ni Garcia, nakalagay sa Fair Elections Act na ang Comelec ay may kapangyarihan na i-regulate ang radio, television, newspapers, at iba pang anyo ng media. At nagpasya silang bigyang kahulugan o i-interpret ito na kasama rito ang social media.


Tanggap naman ng Comelec chairman ang anumang posibleng hamon sa Korte Suprema. Aniya, ang tanging paraan para patunayan kung tama o mali ang Comelec ay magtungo sa Korte Suprema at hayaan ang SC na magdesisyon.


Ipinunto ni Garcia na makakatulong din ito sa Comelec na mamonitor ang online spending ng mga kandidato.


Sinabi niya na 24 oras na nandiyan ang mga post. Puwedeng tirahin o banatan ang isang kandidato o i-promote ito. Ang mga social media influencer na nababayaran ng pagkamahal-mahal ay maaaring gumawa nito, pero walang regulasyon. Kaya paano na aniya, ang mga ginagastos doon, gayundin idiniin niyang lahat ng gastos ngayon kahit na sa TV, radio, diyaryo o anuman ay kailangang i-report sa kanila.


Lalong mahalaga, ayon kay Garcia, ang rules bilang isang paraan upang labanan ang pagkalat ng fake news, na pinalala ng artificial intelligence (AI), sa panahon ng kampanya, kung saan isang problema rito ang kumakalat na deep fakes. 


Inatasan din ng Comelec ang mga kandidato at partido na ipabatid sa kanila ang anumang paggamit ng AI technology sa kanilang mga campaign ads at materials. 

Binanggit naman ni Garcia na para ma-monitor ang lahat patungkol dito, kasabay ng paghahanda para at sa panahon ng eleksyon, nakikipag-ugnayan na ang poll body sa mga social media platform gaya ng Facebook, Google, at X.


Mabuti ang gagawing ito ng komisyon para magkaroon ng patas at maayos na pagpili sa mga kandidato.


Iba kasi ang labanan sa socmed, na kadalasan iyong mga may malalaking budget na mga kandidato para sa kanilang kampanya, ang napapaboran at siyempre laging nakikita ng publiko.


Kumbaga, kahit pa hindi alam ng mga kababayan ang plataporma ng kandidato, basta magaling mag-flex ay agad na isasama sa listahan ng iboboto.


Masaklap pa rito ay puwedeng sira-siraan sa socmed ang isang kandidato kahit pa malinis naman ang kanyang record sa pagseserbisyo, at nangyayari ito dahil na rin siguro sa mga nagkalat na mga fake news.


Marahil, tama lang ang kinauukulan na i-regulate ang socmed account ng mga kandidato. Pero sana, huwag namang umabot sa puntong nalalabag na nila ang karapatan ng mga ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page