ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 17, 2023
Social media — araw man o gabi, ito na ang puntahan ng lahat ngayon, lalo na ng mga kabataang Pilipino.
Kaya nga puwede nating pakinabangan itong social media platform upang maabot ang mga bata para sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon lalo na sa gitna ng mga krisis tulad ng pandemya ng COVID-19.
Napapanahon ito at nagsisilbing malaking tulong para sa mga mag-aaral at mga guro lalo na’t sinisikap ngayon ng ating pamahalaan na gawing mas matatag at makabago ang sektor ng edukasyon.
Maraming mga aral ang mapupulot mula sa naging karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya. Isang halimbawa na rito ang karanasan sa Lungsod ng Valenzuela na kung tawagin ay “Valenzuela Live”, kung saan gumamit sila ng Facebook at YouTube para sa pag-aaral at pagtuturo. Mayroon ding Facebook groups bilang alternative learning management systems para sa “Nanay-Teacher Program.” Bukod dito ay nagpamahagi rin ng 23,500 na tablets ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela upang matulungan ang mga nangangailangang mag-aaral sa lungsod.
Siyempre, kung gagamitin ang social media sa kanilang pag-aaral, dapat kaakibat nito ang maayos na imprastraktura sa internet.
Ayon sa 2020 COVID-19 Low Income Household Panel and Economic (HOPE) Survey ng World Bank Philippines, 60 porsyento sa 25 porsyento na pinakamahihirap na households ay walang access sa internet. Lumabas din sa survey na 98 porsyento ng mga mag-aaral sa naturang mga kabahayan ay piniling gumamit ng self-learning modules bilang kanilang pangunahing paraan ng pag-aaral noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon sa Digital Report 2022 tungkol sa Pilipinas, lumalabas na may 92.05 milyong social media users sa Pilipinas sa pagsisimula ng 2022, katumbas ang 82.4 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Batay sa datos ng Meta, may 83.85 milyong gumagamit ng Facebook sa bansa sa simula ng 2022. Sa mga gumagamit ng Facebook, 42 porsyento ang nasa edad 13-24 at bahagi ng itinuturing na student age group.
Kaya naman para matuldukan na ang digital divide sa ating bansa ay inihain ng inyong lingkod ang mga panukalang batas tulad ng Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) at ng One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).
Kalahati ng ating populasyon na may edad 13 hanggang 24 ay nasa Facebook. Kung nasaan sila, dapat ay nandu’n din tayo at ang buong sektor ng edukasyon nang sa ganu’n ay masuportahan natin ang kanilang kinabukasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios