ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 28, 2023
Nitong nakalipas na Kapaskuhan, mas maraming Pinoy OFWs (Overseas Filipino Workers) at mga balikbayan ang malayang nakapagbakasyon sa bansa matapos ang ilang taong travel restrictions dahil sa pandemya ng COVID-19. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nakapagtala sila ng mahigit 30,000 arrivals nitong nakaraang Disyembre.
Patuloy na nga ang pagbabalik-normal sa bawat sulok ng mundo, lalo na sa mga pagbiyahe at ang muling pagsigla ng ekonomiya.
Malaki ang pasasalamat ng gobyerno sa ating OFWs dahil sa kanilang remittances na bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pagragasa ng inflation sa pandaigdigang merkado.
Sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sumirit sa $26.7 bilyon ang OFW remittances noong Oktubre nang nakaraang taon. Ibig sabihin, tumaas nang 3.1 percent ang remittances kumpara noong Oktubre 2021, kung saan pumalo lamang ito sa $25.9 bilyon.
Dahil dito, umaasa ang National Economic and Development Authority (NEDA) at ang iba pang mga ekonomista na taun-taon nang sisipa ang remittances na malaking aspeto para mapanatiling buhay ang ekonomiya at mapalakas ang piso laban sa dolyar.
Sa kabila nito, may mga pinagdadaanang hirap ang ating OFWs tulad ng napakataas na cost of living sa bansang kanilang kinaroroonan, kaya apektado ang kanilang remittances. Isa rin ang kanilang kawalang access sa social protection schemes at sa mga insurance tulad ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth at iba pang health insurance programs.
Kaugnay nito, isinulong natin sa Senado ang isang resolusyon (Senate Resolution 31) na humihiling sa kinauukulang komite sa Senado na magsagawa ng pagdinig sa mga suliraning kinakaharap ng mga Pinoy overseas workers. Ito ay para na rin matiyak ang kaligtasan at kapakanan nila, saanman sila naroon. Huwag nating kalilimutan, halos 2 milyon ang naka-deploy nating OFW at lahat ay kailangang nasusubaybayan natin sa anumang aspeto.
***
Napag-uusapan na rin lang natin ang ating mga kababayang OFW, tayo ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng isang Pinay domestic worker na si Julllebee Ranara.
Si Jullebee ay natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait na wala nang buhay, basag ang bungo at sinunog. Ang umano’y responsable sa krimen ay ang 17-anyos na anak na lalaki ng kanyang mga amo sa Al Jahra, Kuwait.
Ilang ulit nang nangyari ang ganito sa ating domestic workers sa Kuwait. Mayroon tayong memorandum of understanding na nilagdaan, kasama ang bansang Kuwait noong 2018 na pinagtibay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ano na ba ang nangyari sa kasunduang ito? Kung maaari sana, repasuhin ito ng pamahalaan at nang masuri ang paglabag ng Kuwait sa naturang MOU.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments